“ISKANDALO SA BULACAN, IMBESTIGAHAN”

Idinulog kay Ombudsman Samuel Martirez ang iskandalo nila Gov. Daniel Fernando, Vice Gov. Alex Castro, iba pang mga opisyal ng Bulacan at mga nakipagsabwatang opisyal ng TCSC Corporation ukol sa mga kalabisan sa P500M Bulacan River Restoration Project. Pinaboran diumano ang TCSC sa katauhan nina Dionesio V. Toreja,
tagapangulo; Engr. Bernie Pacheco, Vice President for Mining at iba pa upang makuha ang proyektong hindi dumaan sa tamang prosesong nakasaad sa Procurement Law.

Marahil ipagkibit-balikat lamang nila Gov. Fernando, Vice Gov. Castro at iba pang akusado ang reklamo ni “Francisco Balagtas”, na isang alyas lamang, ngunit hindi ba ang bigat ng akusasyon, laki ng iskandalo at ebidensyang isusumite ang basehan ng Ombudsman upang suriin ang naidulog na isyu? Ayon sa reklamo ni Balagtas, nakipagsabwatan si Fernando, iba pang opisyales ng Bulacan at mga opisyal ng TCSC Corporation upang mapasakamay sa huli ang proyekto sa kabila nang walang nangyaring bidding na taliwas sa Section 3 (e) of Republic Act 3019 (Anti-Graft and Corrupt Practices Act). Wala diumanong nailimbag na public bidding.

Taliwas rin diumano, ayon sa reklamo sa Ombudsman sa una nang inisyatibo ng San Miguel Corporation (SMC) na libreng dredging at walang kikitain ang nasabing kumpanya mula rito. Tampok sa sabwatan ng mga opisyal ng Bulacan at TCSC ang paglabag sa Department of Public Works and Highways Department Order No. 139, Joint Memorandum Circular No. 1 series of 2019 at Department of Environment and Natural Resources (DENR)
Administrative Order 2020-07 na nagsasaad sa mga regulatory frameworks, guidelines sa mga environmental projects at publicprivate partnerships gaya ng Bulacan River Restoration Project na kakitaan sana ng mga prinsipyong transparency, accountability, at pagtalima sa mga batas sa government procurement. Ang isa pang katanungan ay nakipagsawatan ba sina Gov. Fernando, VGov. Castro sa TCSC dahil sa rekursong maaring mapasakamay at ang Mayo 2025 ay hindi na kalayuan?

Amianan Balita Ngayon