Isyu sa suplay ng tubig, nilinaw ng BWD

LUNGSOD NG BAGUIO – Sinagot ng general manager ng Baguio Water District (BWD) na si Engineer Salvador Royeca ang ilang usapin sa tubig sa isang talakayan sa Philippine Information Agency (PIA) noong ika-25 ng Abril 2017.
Sinabi ni Royeca, kasabay ng pagdagsa ng turista ngayong tag-init ay ang pagbaba ng lebel ng tubig sa ilang parte ng lungsod na tinatawag nyang “seasonal decline.” Ito umano ay nangyayari kapag mas umiinit na sa isang lugar at kalimitang nagaganap tuwing tag-araw na nagreresulta sa kakulangan sa suplay ng tubig.
Sa datos ng BWD, 70 porsyento ng lebel ng tubig ang kanilang naitala sa pangkabuuan, at sinabing normal naman ito. Mayroon lamang ilang mga lugar sa lungsod na nakatalang nasa “critical level” o yung nakararanas na ng kakulangan sa suplay ng tubig, aniya.
“Ito yung Quezon Hill, Tam-awan, Trancoville, at Pinget. Nareresolba naman namin ito agad sa pamamagitan ng surveillance and yung pump operations. Meron din tayong ginagawang hydraulic considerations lalo na sa mga area na nasa higher altitude kung saan we provide them reservoirs para hindi rin ma-compensate yung mga nasa ibabang bahagi, para equal ang water distribution,” ani Royeca.
Samantala, tinalakay din ni Royeca ang major water reservoir o yung pangunahing pinagkukunan ng suplay ng tubig. Sinabi nito na mayroon nang Sto. Tomas Rain Basin sa Sto. Tomas, Tuba, Benguet na kinakailangan na lamang sumailalim sa ilang pagsasaayos upang tuluyan nang mapakinabangan, at ang plano ng BWD sa Busol Watershed na magkaroon ng Rain Harvesting Facility.
Panawagan naman ni Royeca sa publiko ang maging responsable sa paggamit ng tubig. Dagdag niya, maging mapanuri, at matutong makipagtulungan sa mga ahensya ng gobyerno sa pagpapanatili ng suplay at kalinisan ng tubig sa siyudad dahil hindi umano gagana ang anumang panukala o adhikain kung hindi tayo mismo kikilos. Wendell L. Roque, UB Intern

Latest News

Amianan Balita Ngayon