Itigil na ang karahasan sa mga bata – magtulungan tayo

Editorial

Ang paglaganap ng COVID-19 bilang isang pandaigdigang pandemya ay puminsala sa mga pang araw-araw na pamumuhay ng mga bata at pamilya sa buong mundo, na may agaran at pangmatagalang epekto. Kahit pa bago ang pagputok ng COVID-19 ay kinikilala ng pandaigdigang komunidad ang karahasan laban sa mga bata na isang pandaigdigan at talamak na umaapekto sa kabataan sa bawat bansa, anuman ang katayuan sa karangyaan o sa lipunan.

Alam din natin na ang mga batang babae at lalake ay nakararanas ng karahasan sa lahat ng yugto ng pagkabata, kalimitan sa mga kamay ng pinagkakatiwalaang tao – mismong mga miyembro ng pamilya o kamag-anak na araw-araw nilang nakakasalamuha. Ang nakakalungkot pa ay karamihan ng mga biktimang bata ay di-kailanman isinisiwalat ang kanilang mga karanasan sa kaninuman o ni humingi ng tulong.

Sa bawat araw na laman ng mga balita ay halos may mga insidente ng karahasan sa mga bata ang naiuulat na napanlulumo pa na pabata nang pabata ang mga biktima na ang iba halos sanggol pa. Sa isang bagong pag-aaral ng International Justice Mission na nakabase sa
Washington, ang mga kaso sa Pilipinas ng online child sexual exploitation ay biglang tumaas nitong nakaraang mga taon na sumasang-ayon ang mga magulang na maging biktima ang kanilang sariling mga anak para sa pera.

Ayon sa isang opisyal ng Estados Unidos na nangangasiwa sa paglaban sa human trafficking , ang Pilipinas ay lumitaw bilang isang “hot spot” para sa online sexual exploitation, at ang mga lockdown dahil sa COVID-19 na “nagkulong” sa milyon-milyong Pilipino sa kanilang mga tahanan ay nagpalala sa mga karahasan.

Karamihan sa mga kaso, ang mga “nagbebenta” ay mismong mga magulang o malapit na miyembro ng pamilya ng mga batang kanilang pinagsasamantalahan – kaya ang mga lockdown ay mistulang nangangahulugan na ikinukulong ang mga bata kasama ang magsasamantala.

Sa inilathalang resulta ng pag-aaral noong 2018 mula sa 2015 National Baseline Study on Violence against Children (NBS-VAC), ang palasak na uri ng karahasan ay kasama ang malupit na pagpaparusa sa mga bata sa loob ng tahanan at minsan sa paaralan, at bullying.

Ang mga batang LGBT ay partikular na bulnerable sa pisikal, sikolohikal at seksuwal na karahasan. Ang parisa (pattern) na ito ng karahasan ay pantay na nakikita sa lahat ng economic groups. Patuloy ang Pilipinas na pinagmumulan, daanan at destinasyong bansa para sa commercial sexual exploitation at trafficking.

Ang Cyber violence ay lumitaw na isang malubhang banta kung saan ang mga bagong teknolohiya ay naglalagay sa mga bata sa panganib sa online sexual na pangangalap at pagsasanay. Sa ARMM ang malalang mga paglapastangan laban sa mga bata ay naidokumento rin kabilang ang pagpatay, paggamit sa kanila bilang mga sundalo, panggagahasa, pagdukot at pag-atake sa mga paaralan at ospital.

Dito sa Lungsod ng Baguio ay naiulat ang pagtaas ng mga kaso ng pang-aabuso sa mga bata na ikinaalarma ng mga opisyal. Ayon sa City Social Welfare and Development Office (CSWDO) na nasa 76 kaso ng pang-aabuso sa batang ang naitala sa buong taon ng 2020, habang sa loob lamang ng anim na buwan ng 2021 ay may 71 kaso na ang naidokumento, 52 dito ay mga batang babe habang 19 ang lalake.

Base sa mga imbestigasyon, ang pangunahing dahilan ng pisikal na pang-aabuso ay ang umano’y pagkabigo ng mga bata na gawin ang modules nila at iba pang dahilan.

Tunay na nakababahala ang sitwasyon ng pagtaas ng mga kaso ng karahasan sa mga bata sa gitna ng pandemya, at ang mga bilang na nabanggit ay maaring mas mataas pa dahil tiyak na may mga hindi naitatala at naiuulat.

Panahon na upang magtulong-tulong ang lahat upang mapigil at masawata ang paglaganap pa ng krimeng ito. Hindi lamang gobyerno ang dapat magalala at gumanap sa pagtugon sa problemang ito kundi kasama ang lahat – ang pribado, mga lokal na gobyerno, iba’t-ibang ahensiya, simbahan, mga NGO mga kabataan, mga mag-aaral, mga guro upang mabigyan natin ng malaya at payapang kapaligiran ang mga bata.

Isang malakas na pagtugon ang kinakailangan dahil ang bawat bata sa Pilipinas o maging sa buong mundo ay may karapatan na lumaking malusog, may pinag-aralan at protektado sa isang kapaligiran na makakatulong sa kanila na makamit ang kanilang potenisyal at magkaroon ng kasiya-siyang buhay.