JUAN DELA CRUZ… SAN KA PATUNGO???

Ilang administrasyon na ang lumipas pero marami pa rin tayong kababayan ang dumaraing sa kahirapan. Di man maipagkakaila na marami na ring nagbago dahil sa tulong ng gobyerno at sariling sikap…parang mas marami pa rin diumano ang di pa nakakausad. Sa pinakahuling
isinagawang survey…lumalabas na higit pa rin sa kalahati ng mga Pinoy ang nagsabing mahirap sila. Sige, pards…subukan nga nating halukayin ang mga rasones sa isyung ito:

Kahit marami na ang napaunlad na lugal sa bansa dahil sa mga farm to market roads kung saan, narating na ng kamay ng pamahalaan ang mga liblib na lugal….may mga kababayan tayong ayaw
tanggapin ang inilalatag na pag-unlad. May mga taong mas gusto pa rin ang kanilang nakagisnang tradisyon ng buhay. Kuntento na raw sila sa ganung kalagayan. Kahit pa nasa kamay na nila ang
pagkakataon, atubili pa rin sila sa makabagong paraan upang makaahon.

Sabagay, aminin man natin o hindi, talagang may mga lugal pa rin sa ating bansa ang kinakailangang marating ng asiste ng pamahalaan gaya ng kalsada, koryente, eskuwelahan, negosyo o pangkabuhayan, kaalaman sa agrikultura. Salamat at may mga tao o grupo ng tao na sa payak nilang kakayanan, sinisikap nilang ipadama sa mga naghihirap sa mga liblib na pook ang pagasang makausad at umunlad.

Ang masakit….sa likud ng mga karaingan ng mga naghihirap nating kababayan…. dumadagundong naman sa lipunan ang kaalwanan o karangyaan na nakukulaputan ng gawang lisya at labag sa
ating mga batas. Nasa mauunlad na lugal ang mga pangil ng mga buwitreng nagsasamantala sa kahirapan at kamangmangan ng sariling kadugo upang magkamal ng yaman. Ang simpleng ehemplo ay lagay ng mga magsasaka at mangingisda na sobrang binabarat ang kanilang
produkto ng mga mapagsamantalang negosyante.

Gaya ng sibuyas na binibili sa halagangng otso pesos hanggang bente sa mga magsasaka at pagdating sa pamilihan ay nagiging mahigit sa limang daang piso na. Hindi lang mga magsasaka ang kawawa kundi pati na ang mga mamimili, di ba? Parang tayotayo din ang naglolokohan. Bakit di masupil ang ganitong sistema? Lantad sa lipunan kung sinu-sino ang mga nagsasamantala, bakit hindi makasuhan at maparusahan? Wala bang ngipin ang ating batas? O, baka naman hindi
nabubungi ang mga batas dahil sa kutsabahan?

Kamakailan, nagkaroon ng hearing sa Senado at kanilang hinimay ang mga problemang bumabalot sa isyu ng mga produktong agrikultural lalo na ang sibuyas. Dito lumantad ang tinig ng mga magsasaka na binabarat ng mga mapagsamantalang negosyante o traders. Diyan din nalaman na
dahil sa kalugihan sa pagtatanim ng sibuyas ng ilang farmers…may mga nagpapakamatay na. Dahil sa hirap at pagkatuliro na umahon kaya kapit-patalim na sila.

Bumanat nga ang isang senador kontra Bureau of Customs sa kanila diumanong paggigipit sa
sampung flight attendants ng PAL na nag-uwi ng kakapiranggot na mga prutas kasama ang sibuyas na maaring pasalubong . Nasasalang na sila ngayon sa imbestigasyon at ipit samantalang sa isyu ng
smuggling na milyon milyong piso ang halaga ay nakakalusot at walang napaparusahan. Yan ang upak ng mga senador sa pagdinig ng Senado. Ang masaklap, nag-iimbestiga lang ang Senado at magrerekomenda.

Nasa kamay na ng ibang ahensiya ang trabaho upang matukoy ang mga smugglers o mga tiwaling traders. Sana may maparusahan. Ito na nga ang sinasabi nating gawi na ilang administrasyon na ang dumaan, pero buhay na buhay pa rin sa kasalukuyan. Kailan kaya ito matitigil? Kahit sino pa ang uupo sa Malakanyang kung di makikipagtulungan ang bayan….bumabangga pa rin tayo sa pader ng mga gahaman. Kailangan dito ang kamay na bakal. Adios mi amor, ciao, mabalos.

WOMEN IN FOCUS

AND ITS GAME OVER

Amianan Balita Ngayon