Kababaihan, namayagpag sa PMA ‘Alab Tala’ Class ‘18

LUNGSOD NG BAGUIO – Nagtala ang Philippine Military Academy (PMA) Alagad ng Lahing Pinagbigkis ng Tapang at Lakas (Alab Tala) Class of 2018 ng panibagong rekord sa pagtatapos ng pinakamaraming babaeng kadete.
Sa 2018 PMA Commencement rites sa Linggo, Marso 18, ay 75 ang babaeng kadete, kasama ng 207 lalaking kadete, na tatanggap ng kanilang diploma mula kay Pangulong Rodrigo Roa Duterte.
Ang Alab Tala Class of 2018 ang may pinakamaraming magtatapos na babaeng kadete mula nang nagsimulang tumanggap ang PMA ng mga babaeng kadete noong 1993.
Tatlong babae rin ang nasa Top 10, si Cadet First Class Leonore Andrea Cariño Japitan ng Amabago, Butuan City na nasa ika-apat na pwesto, Cadet 1CL Jezaira Laquinon Buenaventura ng Bais City, Negros Oriental  na ika-6, at si Cadet 1CL Micah Quiambao Reynaldo ng Bamban, Tarlac na nasa ika-10.
Tatanggap din ng Athletic Saber si Cadet First Class Jasm Marie Alcoriza ng Bacolod City, Negros Occidental.
Lahat ng 16 rehiyon sa bansa ay may magtatapos na babaeng kadete ngayong taon. Ang Cordillera Administrative Region ang pinakamarami na may 12 kadete at Central Luzon na may 11.
Ibinahagi naman ni Cadet Reynaldo ang hamon sa kababaihang kadete na patunayan na hindi nagkamali ang Academy sa pagbibigay ng pagkakataon sa mga babae na maging bahagi ng militar.
Ipinaliwanang ni PMA Superintendent Major General Donato San Juan ang pantay na oportunidad at pagsasanay na ibinibigay sa parehong babae at lalaking kadete. “It is no longer a question, at this time, that women are capable of performing the duties that the male officers are doing in the frontline,” aniya.
Ang bagong rekord ng pinakamaraming nagtapos na babaeng kadete ay isa sa mga tampok ng pagdiriwang ng National Women’s Month na may temang “Making Change Work for Women.”
Noong nakaraang taon, ang PMA Salaknib (Sanggalang ay Lakas at Bukay Para sa Kalayaan ng Inang Bayan) Class of 2017 ay nagtala rin ng bagong rekord sa mga babaeng kadete na nagkamit ng walo sa top 10 ng graduating class.
ANAK NG MAGSASAKA ANG NANGUNA SA PMA CLASS 2018
Samantala, isang anak ng magsasaka at dahil sa kasipagan sa pag-aaral mula elementarya hanggang kolehiyo ay nakatapos ng nursing, ang nanguna sa PMA Class Alab-Tala.
Si Cadet First Class Jaywardene Galilea Hontoria, 25, ng Balabag, Pavia, Iloilo, ay tatanggap ng Presidential Saber Award mula kay Pangulong Duterte ngayong Linggo at siya ay sasapi sa Philippine Navy.
Si Hontoria ang ikalawang Baron leader ng klase na naging valedictorian sa academy, ang una ay noong 1951.
Bilang valedictorian, 11 parangal ang kanyang tatanggapin: Presidential Saber, Chief of Staff Saber, Philippine Navy Saber, Academic group award, Australian Defence best overall performance award, Spanish Armed Forces award, Humanities Plaque, Natural Sciences plaque, Social Sciences plaque, JUSMAG award at Department of Leadership award.
Ang iba pang nasa ay sina Rank No.2 Cadet 1CL Ricardo Liwaden ng Barlig Mt. Province, na tatanggap ng Vice Presidential Saber Award; No.3 Cadet 1CL Jun-Jay Castro ng Amulung Cagayan; No.5 1CL Mark Dacillo, ng Zamboanga City; No.7 1CL Jessie Laransng ng San Clemente, Tarlac; No.8 1CL Paolo Briones ng Baguio City; at No.9 1CL Jayson Cimatu ng Casiguran, Aurora.
Si Cadet First Class Christian Olarte ng Legaspi City, Alabay, ay pagkakalooban ng special award na Journalism Award.
Ang PMA Class Alab-Tala ay kinabibilangan ng 207 na lalaki at 75 na babae at 143 ang aanib sa Philippine Army, 71 sa Philippine Airforce at 58 sa Philippine Navy.
Ayon kay Hontoria, mula 8 taong gulang ay naranasan na niya ang sumama sa mga magulang sa pagsasaka sa kanilang maliit na lupain, na ang tanging pangarap ay makaahon sa kahirapan, kaya naging masigasig siya sa pag-aaral at maging honor student mula elementarya hanggang kolehiyo at mapabilang sa Top Ten bilang registered nurse.
Aniya, bago siya nagtapos ng high school ay pinangarap na niyang pumasok sa PMA, subalit naudlot ito nang sabihan siya ng kanyang magulang at mga tiyahin na mag-aral ng ibang kurso, kaya nag-aral siya ng nursing.
Nang makatapos, humiling siya sa magulang na siya naman ang pagbigyan sa kanyang pangarap, ang makapasok sa PMA at ito ay natupad.
“Panawagan ko lang sa mga kabataan na maging masipag, lalo na sa pag-aaral. Malaki ang natutunan ko sa Academy at ito ay ibabahagi ko sa ating bayan at kababayan,” wika pa ni Hontoria. PIA CAR/ZALDY COMANDA / ABN

Amianan Balita Ngayon