KADIWA SAGOT NGA BA SA MATAAS NA PRESYO NG BILIHIN?

Sa kaniyang talumpati sa paglulunsad ng isang espesyal na Kadiwa ng Pangulo outlet na tinaguriang “KNP Para sa Manggagawa” sa Trade Union Congress of the Philippines (TUCP) noong Miyerkoles, Marso 8 ay nais ni Pangulong Ferdinand “BongBong” Marcos Jr.na magtatag ng permanenteng mga Kadiwa Center sa bawat local government unit sa buong bansa. Sinabi niya na mahalaga sa bawat sektor ng lipunan na maramdaman ang mga ambag ng produksiyon ng agrikultura sa paglago ng ekonomiya sa gitna ng implasyon sa mga presyo ng iba’t-ibang kalakal.

Sinabi ng Pangulong Marcos na ang pangunahing layunin ng pagtatatag ng Kadiwa Center ay upang direktang magbenta ng mga produktong agrikultura mula sa mga lokal na magsasaka at mangingisda sa mga mamimiling Pilipino. Ang pamamaraang ito ayon sa Pangulo ay makakahadlang sa maraming pakikipag-ugnayan sa mga middleman na kalimitang sanhi ng mga pagtaas ng presyo sa mga produktong agrikultura.

Magbubukas din ito ng mga oportunidad para sa micro, small, at medium enterprises (MSMEs) upang magkaroon ng higit pang kita sa pamamagitan ng direktang farm-to-consumer trading. Sa ilalim ng programang Kadiwa ay sinusubsidi ng gobyerno ang pagmemerkado ng mga lokal na produktong agrikultura, at sa KNP Para sa Manggagawa ay mapapalawak ang programang Kadiwa ng gobyerno. Sa ngayon, ayon sa Pangulo ay mayroon nang 500 Kadiwa stores sa buong bansa na
pinagtulungang itatag na iba’tibang mga ahensiya ng gobyerno.

Ang KNP Para sa Manggagawa ay isang pagpapalawak sa Kadiwa Program na pinamumunuan ng Office of the President (OP) together with the Department of Labor and Employment (DOLE), Department of Agriculture (DA), Department of Trade and Industry (DTI), Department of Social Welfare and Development (DSWD), National Food Authority (NFA) at mga local government units (LGUs). Nagbibigay din ang DOLE ng sahod para sa mga kalahok na nagbebenta sa ilalim ng Tulong Panghanapbuhay sa Ating Disadvantaged/Displaced Workers (TUPAD) program.

Ang programang “Kadiwa ng Pangulo” ay inilunsad sa Cebu City nitong nakaraang buwan na kung saan ang inisyatibong ito ay unang ipinakilala ng ama ng Pangulong BBM, ang dating pangulong Ferdinand E. Marcos Sr. upang magbigay ng isang merkado para sa mga lokal na magsasaka at mangingisda para sa kanilang mga produkto at mga maliliit na negosyo na nagbebenta ng mga pangunahing paninda. Maaari ngang sa pamamagitan ng pagtatatag ng maraming Kadiwa stores sa buong bansa at gawin na itong permanente ay malamang maaalis ang mga suson at mga namamagitan kabilang na ang mga walang-konsiyensiyang ismagler, mangangalakal, at kartel na dapat ay inuusig.

At sa pagbibigay- kapangyarihan sa mga magsasaka at maliliit na negosyo na ibenta ang kanilang
abot-kaya at de-kalidad na mga produkto direkta sa mga ordinaryong Pilipinong mamimili ay
malaking tulong nga ito. Walang masama na hangarin ang murang bilihin lalo na sa mga panahon ng krisis at kagipitan, subalit ang samantalahin ang sitwasyon upang pabanguhin ang mga ahensiya at gobyerno ay ibang usapan na. Kapansin-pansin na may mga ahensiya ng gobyerno na nawiwili na sa mga press release at pagpapabango sa publiko sa pamamagitan ng media, na tila hindi nila alam na nababagot na ang taumbayan sa kanilang estilo.

Ang tunay na isyu ay ang pagpapatupad ng mga batas, gaya sa kung ano ang itinakdang suggested retail price (SRP), ito ay dapat ipatupad at huwag lang puro “monitoring” ang kayang gawin. Ang pagtatagumpay ng programang Kadiwa ay nasa mga namumuno nito (tunay at tapat na namumuno), sa buong hanay na sistemang tunay na para sa kapakanan ng sambayanan at tanggalin na ang mga bulok na bunga sa mas nakakaraming maayos na bunga upang huwag na muling makahawa at makapanira pa.

Amianan Balita Ngayon