Kahandaan sa sakuna’t peligro para sa tunay na pagbabago

Ang Pilipinas ay patuloy na hinahagupit ng malalakas na mga bagyo bawat taon at mga manaka-nakang paglindol na hindi natin maiiwasan at mapipigilan. Kaya ang ating pagtugon sa mga kalamidad na ito ay nag-iiba rin mula sa pagiging reactive sa pagiging masyadong proactive.
Bago pa man ay napahusay na natin ang ating sistema sa pagresponde sa mga kalamidad, napabago na natin ang ating siyentipikong kakayahan, at sa mga pamamaraan ay naisaayos na rin ang prepositioning ng mga relief goods bago pa ang mga kalamidad at nabibigyan na rin ng kinakailangang pondo ang mga pangunahing ahensiya para agarang makatugon sa mga pangangailangan pagkatapos ng kalamidad at trahedya.
Ang epekto ng mga likas na kalamidad sa ekonomiya ay napakalawak. Kung libo-libong buhay ang nawala at mga daan at bahay ang nasira, ang produksyon at kita ay magdurusa; ang paglago ng ekonomiya ay babagal; mabubura ang naipong kita.
Ang aktibidad pang-ekonomiya ay naaabala at nauudlot gayundin ang daloy ng kita na magreresulta sa lalalang kahirapan. Nagdudulot din ang mga kalamidad ng kagipitan sa pinansiyal na patakaran dahil sa karagdagang pondo na kailangang ibigay ng pambansang gobyerno at manpower at resources na kailangang maitalaga bilang suporta sa relief efforts.
Ang recovery at reconstruction efforts na maaaring tumagal ng ilang taon ay gigipit sa pinansiyal na posisyon ng bansa. Nalilimitahan tayo ng ating badyet, katunayan ayon sa isang pag-aaral ng World Bank noong 2009 ay tinatayang kinakailangan ng Pilipinas ng halaga na katumbas ng 0.6% hanggang 1.0% ng GDP (gross domestic product) taon-taon mula 2010 hanggang 2019 upang tugunan mga panganib ng klima at kalamidad kabilang ang pamumuhunan para sa replacement at expansion ng resilient infrastructure.
Dahil sa ang gobyerno ay may kakulangan pa rin sa financing, ang pagbalanse sa pagitan ng kahandaan sa kalamidad at iba pang pangangailangan ay maliwanag na lubhang napakahirap na desisyon dahil sa halaga ng naging desisyon.
Kaya ang paghahanda sa kalamidad ay isang napakahalagang bahagi ng pagsisikap sa pagunlad. Maliwanag na hadlang ang kalamidad sa pag-unlad at ang pagpapaliit sa mga epekto ng kalamidad ay kalauna’y magiging posible ang pag-unlad.
Ito ay isang rason upang magtayo muli ng mas mabuti dahil walang anumang progreso para sa isang bansa na nakabaon sa isang masamang siklo ng pagkawasak at rekonstruksiyon. Kaya kailangang masiguro na may sapat na resources at hustong estratehikong pagpaplano upang masiguro na muling magtatayo sa isang matibay at matatag na pamamaraan.
Ang mga Pilipino ay totoo namang may kusa at malikhain na iangkop ang sarili sa bagong normal (new normal) na kalagayan ng panahon. Sa mga nagdaang taon ay namalas natin ang mga kalamidad na dumarating na mas madalas at mas malakas.
Ang tunay na matibay at matatag sa pagbangon na bansa ay tumutugon sa ganitong sitwasyon na sinusubukang iangkop ang sarili sa panahon at paliitin ang mga epekto ng mga kalamidad. Hindi naman maaaring pahintulutan ang masamang siklo ng destruksiyon at rekonstruksiyon na magpatuloy dahil sa muling pagtatayo ng mga komunidad na nasalanta sa parehong pamamaraan, dahil natural na susunod dito ang parehong resulta- paulit-ulit na pagkasira.
Ang kakayahan sa pagbangon (resilience), kaligtasan at proteksiyon ng komunidad ay maaaring makamit sa pamamagitan ng kooperasyon at kahandaan ng publiko na tulungan ang bawat isa lalo na sa panahon ng emergencies at kalamidad.
Nagsisimula ang “resilience” sa kamalayan sa pinsala at panganib na banta sa mga komunidad. Subalit kailangang matuto rin ang mga tao kung paano nila proteksiyunan ang sarili mula sa mga panganib at pinsala.
Ang “resiliency” sa ilalim ng Executive Order (EO) 29-2017 ay binigyan-kahulugan na, ang kapasidad na maghanda sa, rumesponde sa, at makabangon sa isang kalamidad.
Ang Executive Order na inilabas ni Pangulong Rodrigo Duterte ay binago ang National Disaster Consciousness Month (NDCM) na ginugunita tuwing buwan ng Hulyo sa National Disaster Resilience Month (NDRM) upang ipihit ang pagtutok mula disaster awareness building sa pagbibigay kakayahan sa mga residente na maging matatag at  makabangon sa kalamidad.
Sa taong ito bilang paggunita sa taunang National Disaster Resilience Month (NDRM) sa buong buwan ng Hulyo ay may temang ,”Kahandaan sa Sakuna’t Peligro Para sa Tunay na Pagbabago.” Ang aktibidad na ito ay nanawagan ng aksiyon sa mga pambansang ahensiya at local government units (LGUs) na magpatupad ng disaster resilience campaigns tungo sa pagpapataas ng kamalayan ng publiko sa kahalagahan ng disaster risk reduction and management.
Sakop nito ang apat na tema: disaster prevention and mitigation; disaster preparedness; disaster response; at disaster rehabilitation and recovery.
Laging manalangin tayo na nawa’y malihis tayo sa malalakas na bagyo at kalamidad at laging maghanda at magpakatatag.
 
PMCJr.

Amianan Balita Ngayon