Kahit man lang sa iilang araw ay may kapayapaan

Ang panahon ng kapaskuhan at ang pagsapit ng bagong taon ay mga araw na napakahalaga at pinaghahandaan ng lahat ng tao, lalo na ng mga Pilipino na sa katunayan ay may pinakamahabang panahon ng pagdiriwang ng kapaskuhan. Sa mga araw ring ito inaasahan at ipinapanalangin ng marami (lalo na ng mga Kristiyano) na magkaroon ng kaayusan at katahimikan.
Sa loob ng 50 taon, sa limang dekadang labanan bagaman hindi sa lahat ng pagkakataon ay nagkakaroon ng tigil-putukan sa pagitan ng hukbong sandatahan ng Pilipinas at CPP-NPA sa tuwing sasapit ang araw ng kapaskuhan sa mga araw na kani-kaniyang itinatakda. Minsan ay nagkakasundo at nagtatagpo sa gitna sa pagpapahayag ng isang bi-lateral ceasefire, at kung minsan o kalimitan ay iisang panig lamang ang nagpapahayag. Sa bawat deklarasyon ng bawat panig ng tigil-putukan ay nagkakaroon ng mga paglabag sa mga napagkasunduan at nagkakaroon ng engkuwentro – sinadya, planado o biglaang engkuwentro. Lahat ng mga pangyayaring ito ay kapuwa ibinibintang ng bawat panig sa isa’t isa.
Sa unang linggo ng Disyembre ng taong ito ay nagpahayag at nagdeklara ang central committee ng Communist Party of the Philippines (CPP) ng isang temporary unilateral ceasefire o tigil-putukan para sa panahon ng kapaskuhan at bilang selebrasyon ng ika-50 taon anibersaryo ng partido.
Magsisimula ang ceasefire hatinggabi ng bisperas ng pasko, Disyembre 24 at magtatapos hatinggabi ng Disyembre 26 na siyang anibersaryo ng CPP. Ipagpapatuloy ang tigil-putukan sa hatinggabi ng bisperas ng bagong taon, Siyembre 31 at magtatapos hatinggabi ng bagong taon, Enero 1. Idineklara ng CPP sa lahat ng commands at units ng New People’s Army (NPA) at people’s militias ang temporary unilateral ceasefire bulang pakikiisa diumano sa mamamayang Pilipino sa pagdiriwang ng tradisyunal na bakasyon. Ang tigil-putukan ay magbibigay din daw ng panahon para bigyan-pagkilala sa kanilang (CPP-NPA) mga bayani sa kanilang paggunita ng ika-50 taon ng pakakatatag.
Naninindigang ipapatupad ng NPA ang unilateral ceasefire kahit pa may utos daw sa kanila na paigtingin ang kanilang mga atake at opensiba laban sa mga puwersa ng gobyerno dahil umano sa lumalalang pang-aabuso ng AFP at PNP at bilang tugon sa pagbibigay muli ng Kongreso ng extension ng Martial Law sa Mindanao. Ayaw naman patulan ng AFP ang deklarasyon ng CPP-NPA at hindi nagrekomenda ng suspension of military operations (SOMO) upang tapatan ang deklarasyon ng tigil-putukan ng mga rebelde. Natuto na raw ang AFP sa mga nakaraan kung saan kunwaring magdedeklara ng tigil-putukan upang ipakita raw na tagasulong sila (CPP-NPA) ng kapayapaan sa kapaskuhan, at kung hindi tatapatan ng AFP ang deklarasyon ay gagawa ng isyu ang mga rebelde at ipapakitang ang AFP ang gumagawa ng kaguluhan. Sinasamantala raw ng mga komunistang gerilya ang tigil-putukan upang palakasin ang puwersa.
Sa pinakamahabang panahon ay tila hindi na maawat ang paglalaban ng dalawang panig, kapuwa matigas sa paninidigan at determinadong isulong ang mga nais, kahit pa ang lubos na apektado at kawawan mga biktima ay mga inosente at walang kalaban-laban na mga mamamayang Pilipino. Sa 50 taon ay ilang libo na bang buhay ang nawala, ilang sambahayan ang nasira at mga pangarap na naglaho dahil sa mga paniniwalang rebolusyon at mapuwersang kapangyarihan ang tanging tugon sa kahirapan, sa ibabaw ng pagnanais na makuha ang liderato at kapangyarihang mamuno sa bansa?
Kung talagang wala nang pag-asa na matuldukan ang armadong pakikipagbaka, nawa sa panahong ito ng kapaskuhan, kahit man lang sa iilang araw ay makatikim tayo ng kapayapaan at kaayusan lalo na sa mga kababayan nating nasa lugar ng mga labanan – unilateral o bilateral ceasefire man yan.
PMCJr.

Amianan Balita Ngayon