Kaibigan…

Tapik ni Tonying

Kadalasan kaibigan ang tawag natin sa mga taong malalapit sa atin minsan tinatawag pa nating “bestfriend” o kaya sanggang dikit, o magkadikit ang bituka, tropa at kung minsan ang tawag ay kaututang-dila, marami ang tawag sa salitang kaibigan, ngunit sa dami ng iyong kaibigan mayroon isang natatangi sa mga ito.

Ipinagkakatiwala natin ang ating pagkatao sa ating kaibigan , mga sikreto at mga kalokohan na pinagsamahan, ika nga ng namayapang Actor na taga-Bulacan na si Bert

“Tawa” Marcelo sa magkaibigan ay iba ang may pinagsamahan. Ngunit paano mo malalaman na tunay nga ang iyong kaibigan? May mga kaibigan na kaya ka niya kaibigan dahil mayroon siyang napapala sa iyo o mayroon siyang pakinabang sa iyo at kapag wala ng makuhang pakinabang sa iyo aalis yan at hindi na magpapakita at ang masakit pa niyan sisiraan ka pa niyan.

Naalala ko tuloy ang isang kwento sa akin na noong nakaraang eleksyon ay hati ang mga kasama kung sino ang papanigan sa mga tumatakbong pulitiko, ang iba ay nanatili sa kanilang
mga sinuportahang pulitiko, ang iba naman ay sumakay sa isang pulitiko dahil baguhan ito at ang tingin ay siyang magsasalba sa nasabing bayan.

Iba ang kanilang sinamahan at nang ito ay naluklok marami ang humanga, subalit nagdaan ang oras at panahon, nag-iba ang ihip ng hangin, nabunyag ang tunay na katauhan. Ang taong naniwala sa kanya ay nalagay sa alanganin at nilapitan ang nasabing “kaibigan” subalit nga-nga ang naging sagot kaya’t ito ay lumapit sa taong hindi niya pinaniwalaan at ito ang nagsalba sa kanya upang mawaglit ang kanyang problema.

Sa pagkakaibigan marami ang dumarating na pagsubok, ang iba nga diyan ay natulungan mo na nga hihirit pa yan at kapag hindi mo napagbigyan ikaw pa ang masama.

Maraming tao na ang akala mo ay kaibigan ngunit sila ay mga nagkukunwari lamang dahil sila ay may motibo sa iyo at iyan ang iyong dapat ingatan dahil uso ang “ahas” sa siyudad.

Ang tunay na kaibigan para sa akin ay iyong tumulong sa iyo na walang pasubali at hindi naghihintay ng balik ng anuman. Masasabing tunay ang kaibigan kapag lagi ka niyang dinadamayan at nakikiisa sa iyong suliranin. Hindi ka ilulugmok, kundi iaahon ka sa kapahamakan.

Ang tunay na kaibigan ay parang pag-ibig din yan na dapat ay may “tiwala” sa isatisa dahil kapag ang tiwala ang nawala mahirap ng ibalik ang dating samahan. Bago ang lahat ay nais kong batiin dito sa aking kolum ng Happy Birthday ang aking may bahay at business partner ko na si Mary Grace Enriquez Picaña, dalangin ko ang iyong maayos na kalusugan at mahaba pang panahon sa piling ko at kami ng tatlo kong anak na sina Mica, Mark at Tonie at ng iyong apong makulit na si KZ ay nagpapasalamat sa iyong Pagmamahal at pagsisilbi sa buong pamilya kaya sobra ka naming Mahal.

Happy Birthday rin kay Romy Gonzales at advance Happy birthday na rin kay Brod Rolly Brillantes sa Feb.21 at Happy birthday sa lahat ng may birthday sa buwan na ito. Happy Chinese New Year na rin sa ating mga kababayang Filipino-Chinese sa lunsod ng Baguio.

Happy Valentines Day to all our avid readers and supporters. Mabuhay po tayong Lahat!