Kailangang may managot at magdusa, maging sino ka man

Bago matapos ang taon ay humabol pa rin ang isang balita ng isang insidente ng paglabag sa health at mandatory quarantine protocols na ikinagulat at ikinainis ng marami lalo sa mundo ng social media.
Noong una ay hindi pa pinangalanan ang nasabing quarantine violator na binigyan lamang ng alyas na “Poblacion Girl”, subalit dahil sa seryoso ang isyu at napagalamang nagpositibo ito sa virus at nakapanghawa na ng iba pa ay minabuting pangalanan na ito ng mga awtoridad. Siya ay si Gwyneth Chua, isang Pilipinong balikbayan mula Estados Unidos.
Nag-ugat ang kaso ng paglabag ni Chua nang dumating ito sa bansa noong Disyembre 22, at dahil kailangang sumailalim siya sa limang araw na mandatory quarantine sa isang hotel hanggang Disyembre 27 ay nai-book siya at nagcheck-in sa Berjaya Hotel sa Makati City, subalit bandang 11:45 ng gabi o labin-limang minuto pa lamang ang nakalilipas ay umalis ito at nagpunta sa Poblacion, Makati at nag-party kung saan dapat sana’y nasa hotel ito at sumasailalim sa quarantine.
Bumalik ito gabi ng Dosyembre 25 at sumailalim sa swab test noong Disyembre 26, nang sumunod na araw ay lumabas ang resulta at nagpositibo siya. Ni walang hotel security personnel o kawani ng hotel sa front lobby ang sumita sa kaniya, at ni wala man lang pagsisikap na ireport ang insidente sa Bureau of Quarantine (BOQ), kahit matapos makabalik ito tatlong araw ang lumipas. Nagyabang pa ang dalaga na malakas daw ang kaniyang koneksiyon.
Sa kasamaang palad ayon kay DILG spokesperson Undersecretary Jonathan Malaya na sa 15 nakasama ni Chua ay pito na ang nagpositibo sa Covid-19, habang sa 19 na secondary contacts ay isa na ang nagpositibo.
Naging superspreader na raw ang pangyayari na maaari pa itong dumami dahil sa mabilis na pagkalat at hawaan ng virus at dahil na rin sa banta ng panibagong variant na Omicron.
Dahil sa pangyayari ay sinampahan na ng kaso si Gwyneth Chua ng PNP Criminal Investigation and Detection, kasama ang mga magulang nito, kasintahan, at ilang personnel ng Jerbaya Hotel.
Isinampa ang kaso sa Makati Prosecutors office dahil sa paglabag sa Republic Act 11332 o ang Mandatory Reporting of Notifiable Diseases and Health Events of Public Health Concern Act. Kinasuhan si Chua dahil sa hindi pagsunod sa quarantine o isolation order
na inisyu ng isang public health authority at para sa paglabag ng terms and conditions ng
quarantine o isolation order.
Sinundo ng kaniyang ama si Gwyneth sa hotel noong Disyembre 22 at kinumpirma ng mga imbestigador na nakita ito sa isa sa mga restaurant gabi ng Disyembre 23, 2021 sa pamamagitan ng CCTVC footage at mga paglalahad ng mga saksi. Una dito ay sinabi ng mga opisyal na pumunta sa isang party si Chua sa isang bar sa Makati City at naghapunan sa isang restaurant.
Nakapanlulumo o hindi man nakakainis isipin na may mga matitigas pa rin ang ulo kahit pa nasa kasagsagan pa rin tayo ng pandemya lalo’t may bagong variant na mas mabilis makahawa.
Isa pang nakakadismaya ay mismong mga magulang nito ang kumunsinti at hindi man lang inisip ang masamang kahihinatnan ng aksiyon ng kanilang anak. Idagdag pa ang pagpapabaya ng mga personnel at opisyal ng hotel kung saan naging maluwag sila, tuloy pinaghihinalaan pa na may kasabwat si Chua na taga-hotel.
Inamin ni Secretary Año na ilang tao na nasa ilalim ng quarantine ang nagbayad sa personnel ng hotel o tumakas sa pamamagitan ng fire exits. Nakakatanggap din daw siya ng mga ulat na mga miyembro ng pamilya at mga kamag-anak ang mismong nagpre-pressure sa mga taong nasa ilalim ng quarantine.
Ayon kay Año ay may mga ipinila na ring mga kaso laban sa mga hotel na lumabag sa quarantine protocols sa Bureau of Quarantine, bagaman hindi naging maingay dahil hindi raw nai-media.
Kailangang mapaalalahanan ang mga tao na andito pa ang Covid-19 at ang bagong variant na Omicron na mas nakakahawa kaysa Delta ay andiyan na, may mga kaso na tayo.
Paulit-ulit na lang tayo na kung kailan bumaba na ang mga kaso at napaluwag na ang mga restriksiyon ay nagpabaya na naman tayo.
Umabot na tayo sa pinakamababang bilang ng kaso na higit dalawang daan lamang, subalit ilang araw lamang ay pumailanlang na muli sa mahigit 20,000 sa isang araw at pinangangambahan ng mga eksperto na tataas pa ito.
Ang pagsupil sa pansariling kalayaan na makisalamuha at dumalo sa mga pagtitipon sa gitna ng kasalukuyang pandaigdigang krisis sa kalusugan ay hindi madali at isang sakripisyo na kailangang gawin at ang isang maliit na pagsakripisyo ay hindi isang kapabayaan.
Mahirap man tanggapin ng iba ngunit kailangang may managot at magdusa upang hindi na pamarisan kung ito ang sukdulang pamamaraan – maging sino ka man.

Amianan Balita Ngayon