KAILANGANG PROTEKTAHAN AT PANGALAGAAN ANG NATITIRANG MGA WATERSHED

Muling tinututulan ng mga residente partikular ng mga miyembro ng Ambiong-Baguio, East Bayan, Brookspoint, Pacdal, and Peripheries (ABEBBPAP) Federation na nasa loob ng Busol Watershed ang isang panukalang ordinansa na kung maaprubahan ay iuutos ang pagbakod sa buong Busol Forest Reservation (BFR) Baguio Side na sakop ng Proclamation No. 15.

Napapaloob sa ordinansa na nais itatag, panatilihin, protektahan, at pangalagaan ang mga identified communal forest, mga watershed, mga parke, tree parks, spring lots, mga luntiang kapaligiran, urban green zones, at iba pang kahalintulad na forest development projects sa lungsod ng Baguio. Ang BFR
Baguio Side ay isa sa mga reservation na tinukoy ng panukalang ordinansa ay sumasaklang sa apat na magkakadugtong na barangay – Pacdal, Ambiong-Baguio, East Bayan Park, at Brookspoint.

Sinasabi sa Section 3 ng panukalang ordinansa na ang lahat ng natukoy na lugar ay babakuran at lalagyan ng angkop na mga karatula na nagsasasbing mga protektadong lugar ito. Ayon sa ABEBBPAP Federation, mayroong 758 residential structures sa loob ng BFR Baguio Side pa lamang na karamihan ay nasa Pacdal at Ambiong-Baguio at nasa 4,500 permanenteng mga residente ang naroon na binubuo ng mga katutubo ang malaking bahagi ng populasyon.

Binigyan-diin sa kanilang position paper na hindi dapat magkaroon ng pagtatangi ang panukalang ordinansa sa lehitimong paghahabol ng mga residente ng BFR Side kabilang ang mga ancestral land claimant ng kanilang mga karapatan at mga inaangkin, gayundin pahihinain lamang daw ng panukalang ordinansa ang kapasidad at tsansa ng mga naninirahan na maghabol sa anumang mga karapatan o pag-angkin na natitira o sa hinaharap, na mayroon sila sa nasabing lugar.

Dapat daw na ang pagbakod at paglalagay ng mga karatula ay dapat sa hindi pa nasasakop na mga bahagi ng forest reservation at nanawagan din sila na ideklara o ipahayag ng pamahalaang lungsod na kinikilala nito ang kasalukuyang mga komunidad ng tao sa lugar. Iginiit ng grupo na sa loob ng mga dekada, ang bahagi sa Busol Watersed ay tinirahan na ng mga inapo ng apat na claimants – Gumangan, Molintas, Kalomis, at Rafael na kung saan ang claim ay pinapaniwalaang sinundan ang pagpapatupad ng Proclamation No. 15 na binabanggit at kinikilala nito ang land claims ng mga naninirahan sa loob ng reservation.

Subalit maalala na sa desisyon ng Korte Suprema noong 2014 ay sinabing hindi lumalabas na ang Proclamation No.15 ay isang “definitive recognition” ng ancestral land claims bagkus ay “tinutukoy lamang
ang mga pamilyang Molintas at Gumangan bilang mga claimant ng isang bahagi ng ancestral land claims. Nanawagan ang pederasyon sa mga opisyal na ikonsidera ang kanilang kalagayan, at idinidiin na ang tanging paraan lamang na maprotektahan ang mga residente ng lehitimong land claims ay sa paghihiwalay ng tinitirhang bahagi mula sa forest reservation.

Noong 2019 ay tinukoy ng National Water Resources Board (NWRB) ang Baguio City bilang isa sa sampung siyudad sa bansa na may kakulangan sa tubig. Ang mga planong pataasin ang forest cover ng lahat ng watershed areas sa Baguio ay sobrang malaking hamon dahil sa presensiya ng mga iligal at maperang mga naninirahan sa anim sa walong watershed (Buyog, Camp 8, Lucnab, Crystal Cave, Sto. Tomas at Busol).

Ang Crystal Cave Forest Reserve na iprinoklama noong 1992 ay hindi napapakinabangan dahil sa isa na ngayong residential area at ang pagsisikap ng lungsod na paalisin at ilipat ang mga iligal na naninirahan ay hindi naging matagumpay. Ang Sto. Tomas Forest Reserve na siyang pinakamalaki sa mga watershed kung lawak ang pag-uusapan, 70 porsiyento ng 3,121 ektarya ay inuring nakakalbo na (denuded). Nasa watershed din ang Sto. Tomas Rain Basin na pinagkukunan ng Baguio Water District (BWD) ng tubig.

Marami pang lupa sa lungsod ang ginagawang residential, commercial at industrial na gamit na walang pagsasaalang-alang sa pagpapanatili ng mga luntiang espasyo para sa pangangailangan sa imprastraktura at pananim at palagubatan na layunin. Ang pagpapaliit sa pananim at kagubatan ay nababawasan ang kapasidad ng lupa na hawakan ang tubig, ang bilis ng absorption at recharge, na lalong magpapalala sa pagkakaroon ng pinanggagalingan ng sariwang tubig.

Kung hindi na makakayang suportahan ng mga katubigan ang kanilang pagkahirang o natural na mga gamit, ang kapaligiran at mga tao ay negatibong maapektuhan – “ang tubig ay buhay”. Kailangan na sa madaling panahon ay maresolba na ang mga isyu sa mga watershed at maging matibay na sa desisyon ang mga opisyal na sinusundan ang itinatakda ng Water Code of the Philippines na walang politikal na kiling.

Amianan Balita Ngayon