Kakalaya lang na babaeng drug dealer muling hinuli

LUNGSOD NG BAGUIO – Kakalaya lamang mula sa piitan noong Enero, ang umano’y drug dealer na si Lea Tañega Amor, 30, ay muling nahuling nagbebenta ng shabu noong Martes sa isang hotel sa lungsod ng Baguio.
Nagbenta si Amor ng PhP136,000.00 halaga ng shabu sa undercover agents ng Philippine Drug Enforcement Agency-Cordillera sa OYO Hotel sa Atab, Barangay Sto Tomas Proper.
Ang recidivist o paulit-ulit na nagkakasala, ayon kay PDEA-Cordillera regional chief Director II Gil Castro ay mula sa Agro, Irisan Barangay dito na nagpapanggap na isang assistant cook at gayundin gumagamit ng pangalan na Lea Tanega Espiritu.
Inihayag ni Dir. Castro na kakaupo lamang bilang hepe ng PDEA-Cordillera noong Lunes kapalit ni Director Edgar Apalla na pamumunuan na ang PDEARegion VI na si Amor ay pinalaya lamang mula sa Baguio City Jail noong Enero 24 dahil din sa droga.
Ang kaniyang discharge certificate mula sa kulungan ay kinumpiska kasama ang shabu.
“If not for the strengthened coordination of the PDEA, Baguio City police and CIDG-Baguio, the successful sting operation could not have been possible,” ani Castro na nangako ng mas agresibong kampanya laban sa droga sa buong rehiyon na nakaangkla sa paghihigpit ng drug supply habang nililinis ang mga kalye sa mga nagbebenta ng droga.
Sa pagkakaupo ni Dir. Castro sa pamunuan ng PDEA-CAR ay nasa PhP2.8 milyon halaga ng marijuana ang binunot at sinunog ng pinagsanib na Kalinga police at PDEA agents sa apat (4) na plantasyon sa Tulgao West sa liblib na bayan ng Tinglayan, Kalinga.
At habang umaalis mula sa Tulgao West matapos sunugin ang iligal na damo Lunes ng umaga ay natuklasan nila ang isang 100-square meter na plantasyon na may 1,500 fully grown na marijuana na nagkakahalaga ng PhP300,000.00 sa sitio Ara, sa parehong barangay.
Sinunog din ang marijuana bago lisanin ng raiding team ang lugar sa isang dalawang-oras na pababang lakaran papunta sa Tinglayan police station, sinabi ni Kalinga police director Col. Davvy Limmong.
Walang sinuman ang nahuli sa dalawang plantasyon subalit nangako si Dir. Castro na ang paghahanap nila sa mga nasa likod ng marijuana plantations ay paiigtingin na ngayon habang ipinapaalala na ang pagtatanim ng marijuana ay may kaparusahan.
AAD/PMCJr.-ABN

Amianan Balita Ngayon