Kaldero ng Seagames… Kontrobersiya!

Bagong kontrobersiya – KALDERO ng SEA games. Maryusep na punggok at higante…mahabag ka naman sa bansa namin….patong-patong na ang mga kontrobersiya…may nadagdag na naman! Sala-salabat na ang mga problema sa kasalukuyan.

Kung di lang krimen ang kumitil ng buhay…baka marami na ang naghuramentado. Ang masakit kasi…kahit wala tayong magawa sa mga kontrobersiya…e nakakahighblood!

Sige, uriratin natin itong Kalderong ire, pero bago sa lahat…bato-bato sa langit ang tamaan ng kaldero, bukol!
******
Ang tinutukoy nating kontrobersiyang kaldero ay hindi yong ating pinaglulutuan ng kanin at bulalo kundi ang “tapayan” o “Cauldron” na ginagamit na pailaw at simbolo ng paligsahan sa “sports” sa bawat bansang pagdarausan.

Magsisilbi itong gabay at inspirasyon sa mga manlalaro kaya laging maalab ang kanyang ningas hanggang sa matapos ang palaro. At dahil sa “Kaldero” nga ang ginamit sa mga batikos ni Sen. Franklin Drilon…pumutok na ang kontrobersiya. Sabi ni Drilon: masyadong maluho raw ang pagpapatayo ng Kaldero dahil umabot daw sa mahigit limampung milyong peso.

Bagama’t ang sabi ni House Speaker Alan Peter Cayetano ay mga P45M lang.

******
Dahil sa isyu ng Kaldero…nagsulputan na ang samut-saring upakan kaliwa’t kanan. Sabi ni Cayetano – “work of art”  daw ito pero upak naman ng ilang observers ay hindi raw “work of art” kundi “art of corruption”. Daplis nga ni Sen. Drilon kung ang ginastos daw sa kalderong ito ay ginamit na lamang sa pagpapatayo ng mga classrooms, mas maigi pa raw.

At upang maipaliwanag ito, kusang dumalo si Speaker Cayetano sa sesyon ng Senado. Si Cayetano ang itinalaga ni Pres. Duterte bilang Chairman ng PHISGOC, ang komiteng mangangasiwa sa 30th Sea games na dito sa ating bansa gaganapin. Kanyang iniulat sa Senado na ang tunay na halaga ng Cauldron o Kaldero ay P45M at hindi ang sinasabi ni Sen. Drilon na P55M.

Kaya mahal ito dahil gawa ng ating National Artist na si Bobby Manosa at mahalaga ang magiging bahagi nito sa ating kultura at kasaysayan. Kung tutuusin daw ay hindi neto mapapantayan ang Singapore na gumastos ng P63M para sa Sea Games cauldron na hindi naman gawa ng isang national artist. Sa kabuoan…P7.5bilyon ang hiniling na budget ng SEA Games pero tinapyasan ng Senado (sa pasimuno raw ni Drilon) at naging P2.5bilyon na lang.

Buti na lamang may isang bilyong peso namang saklolo mula sa Office of the President. Haayy buhay nga naman. Kung kailan malapit na ang pagsisimula ng Sea games, saka bumulwak ang mga kontrobersiya na sinimulan ni Sen. Drilon. Upak nga niya, pagkatapos daw ng Sea games…itutuloy niya ang hiling na imbestigasyon sa budget o gastos dito.
******
Dahil sa sala-salabat na ang mga lumalabas na mga kumento hinggil sa “kaldero” ng Sea games, nagpahapyaw na ang Pangulong Digong. Wala raw anomalya sa pagpapatayo ng Cauldron. In short…hindi raw kaya pamumulitika na naman ang ginagawa ni Sen. Drilon. Kamakailan lang, siya ulit ang nagsabing “palpak” daw ang Build Build Build Program ng Duterte Administration. Ang sagot na palasyo: lumang rekord ang ginamit ni Drilon. Ngayon naman….kaldero na naman.

Bulong ng ilang usyuso: di kaya kasi palaging nakapikit kaya kung ano-ano ang nakikita? May mga pulitiko na ang gumagawa ng ingay para mapansin. Dapat magpokus na lang tayo sa husay ng ating mga atleta laban sa mga dayuhan at galangin ang damdamin ng mga turistang sasaksi sa biennial meet na ito. Hindi yong humahanap tayo ng kasiraan dahil lamang sa ating personal na ambisyon. Bato-bato sa langit. Adios mi amor, ciao, mabalos!

Daplis Walang Mintis

Amianan Balita Ngayon