Kaluluwa ni Digong, ibebenta sa demonyo! Chozzmaryusefff!

Daplis Walang Mintis Opinion

Chozmaryuseff pards, delikado na raw ang mundo. Baka bigla raw magbabaan sa Pilipinas ang sangkaterbang demonyo dahil sa bagong hamon ni Pres. Duterte. Aba’y sinong demonyo ang hindi macha-challenge? Presidente na mismo ang kayang ibenta ang kanyang kaluluwa sa demonyo? Magkano, eheste, bakit naman sir Digong? Para daw salbahin ang mga kawawang OFWs lalo na yung nasa Kuwait. Haayyy buti na lang at nagliwanag. Bigla kasing nagdilim ang lahat dahil lamang sa binitiwang tatag-malasakit ni Digong na nabigyan agad ng malisya ng mga taong walang kaluluwa. Sige, himayin natin, hane?

******

Kamakailan, may mga pangit na ulat mula sa Kuwait dahil sa pagmaltrato ng ilang kababaihang OFWs doon. May ginahasa ng amo; may ginahasa pa ng Kuwaiti police; may minolestiyang DH sa loob pa ng himpilan ng pulisya, at marami pang ibang pagmamaltrato sa ating mga kababayan doon. At ang pinaka-masaklap ay ang pagkakatagpo sa isang domestic helper o caregiver sa loob ng isang abandonadong apartment. Siya ay taga-Iloilo. Nakita ang kanyang bangkay sa loob ng isang freezer. May hinalang aabot na sa isang taon na nasa freezer ang kawawang Pinay. Wala na rin sa lugar ang Lebanese na suspect. Nang malaman ni Pres. Duterte ang pangyayari, masahol pa sa bulkang Mayon ang putok ng galit niya. Kung puwede lang maisalarawan ang tiim-bagang niyang pagngangalit, ating madarama ang kumukulong dugo nito laban sa mga pagmamaltratong kinalulugmukan ng ating OFWs sa Kuwait. Meron pang ulat na marami sa kanila ang na-i-stress na sa ginagawang pagpapahirap ng kanilang mga amo. Meron pang naglalakad nang hubo’t-hubad sa kalsada. Wala nang katinuan dahil sa hirap na dinadanas. Sinong Presidente ang hindi magagalit?

******

Hustisya ang habol. Kumilos ang gobyerno. Lumabas ang utos na total ban sa deployment ng mga kababayan natin sa Kuwait. Yung mga naroroon pa, hinihikayat na magdesisyon kung uuwi o humanap ng ibang mapapasukan sa ibang lugar. May pangako pa si Digong na bibigyan ng hanapbuhay at alalay ang uuwing OFWs mula Kuwait. Daplis nga ng pangulo: kapag umuwi ang mga skilled worker natin mula Kuwait, mapipilayan ng husto ang bansang ito. Nakasalalay daw sa kamay ng mga Pinoy ang kaunlaran ng Kuwait. Marami pang maaanghang na salita ang ibinalibag ng pangulo kontra sa bansang Kuwait. Kulang na nga lang na susugod na siya doon. Dahil sa galit at awa ng pangulo sa OFWs sa Kuwait (puwede rin sa pangkalahatan ng OFWs sa buong mundo), para lang makahanap ng pera para gastusan ang pag-uwi ng OFWs mula Kuwait at upang matakasan ang mapang-abusong mga amo, nakahanda umano si Pangulong Duterte na ibenta ang kanyang kaluluwa sa demonyo! Sabi nga niya: “what have we done to you (Kuwait) to deserve this kind of treatment of my countrymen? I could not take abuse of workers. I am willing to sell my soul to the devil to find money for OFWs returning from Kuwait. If you work for them and you are  paid, you are treated as slave!, dagdag pang upak ni Digong.

******

Kasunod ng upak ni Digong bilang pagmamalasakit, umupak din daw ang Kuwaiti Federation of Home Office Employers na dapat daw ay itigil na ang renewal ng kontrata ng mga Pinoy sa Kuwait at ipa-deport na ang lahat ng mga trabahador na Pilipino sa Kuwait. Hindi raw Kuwaiti ang suspect sa pagpatay at paglagay sa freezer sa isang taga-Ilolilo kundi Lebanese. Tsk tsk, kasahan na ito pag nagkataon. Kawawa naman ang 260,000 OFWs na nasa Kuwait ngayon. Abangan ang susunod na kabanata. Adios mi amor, ciao, mabalos!