“KAMPANYA KONTRA HUMAN TRAFFICKING, PINAIGTING PA”

Nagbabala muli ang National Bureau of Investigation – Cordillera (NBI-CAR) sa mga nagpapatuloy na “pambubugaw” sa mga kababaihan at kabataan, lalo na ang mga musmos, sa nagpapatuloy na “sex trade” sa Cordillera, lalo na sa Baguio City. Dahil na rescue bago ang “Mahal na Araw” ng mga
ahente ng NBI-CAR sa pangunguna ni Atty. Bimbo Pangan ang tatlong kababaihan, dalawa dito’y
menor-de-edad pa lamang, mula sa iligal na negosyong pambubugaw ng isang nagpreprenteng “operations manager” ng isang bar sa loob ng hotel malapit pa sa Lourdes Grotto sa Baguio City.

“Ibinenta” sa isang ahenteng undercover ng NBI ang tatlong babae P10,000 bawat isa para sa diumano’y “panandaliang aliw” sa isang hotel malapit lamang sa Session Road. Matagal nang
gawain ni Julius Delgado, na tinaguriang ‘top human trafficker” ng lungsod, ang iligal na negosyo
nito. Ayon sa paniniktik, dati rin itong “floor manager” ng isang nightclub sa kahabaan ng Marcos Highway ng kaparehong ‘modus operandi’ — i-oofer ang mga Guest Relations Officer sa mga
customer nila. Nagimbal ang Baguio City nitong nakaraang mga buwan lamang nang may isang “bar girl” na halos hubad, nakagapos sa likuran ang mga kamay at paa, ang natagpuang patay sa isang compound sa Trancoville, Barangay Alfonso Tabora. Nanggaling diumano ang biktima sa isang nightclub sa Marcos Highway, ngunit hindi pa mapagtanto kung sino ang “nambugaw” sa biktima.

Marahil katapusan na ni Delgado ang kanyang pagkakahuli dahil matapos siyang pormal na masampahan ng Baguio Prosecutors Office ng kasong “qualified trafficking in persons”, hindi rin
pinayagang makapaglagak pa ito ng piyansa para sa pansamantalang paglaya at makabalik pa muli sa kanyang negosyo. Samantalang naipasakamay na rin ang tatlong biktima ni Delgado sa DSWD-CAR para sa karampatang pag-asikaso mula sa dinanas nila at prosesong hindi na ulit sila mapasakamay ng mga kahalintulad ng negosyong “pagbebenta ng laman”.

Nitong unang kwarto ng taon, na rescue rin ang 11 kababaihan sa dalawang ni-raid ng NBI-CAR kasama ang USfounded anti-human trafficking NGO Exodus Road Philippines na massage parlors sa Magsaysay Avenue, sa Baguio City, na halos tapat lamang ng isang istasyon ng pulisya. Ang mga naturang pagrescue sa mga “biktima” ng human trafficking ay patunay na nananatiling buhay ang
“pagnenegosyo sa laman”, at iba pang mga lugar sa Luzon, Visayas at Mindanao, ayon sa Exodus Road. Tanging lipunan rin ang makapagsasabi kung kailan ito matitigil!

Amianan Balita Ngayon