BAGUIO CITY
Puspusan ang kampanya ng Bureau of Fire Protection Cordillera (BFPCAR) upang maiwasan ang
anumang insidente ng sunog. “The BFP Cordillera is trying our best and effort, hindi po kami mapapagod na magbigay ng paalala sa ating mga kababayan na tingnan ho nila,” pagtitiyak ni Senior Fire Officer I Leo Mendoza ng BFPCAR. Sa gitna ito ng pagtaas ng insidente ng sunog sa buong rehiyon ngayong 2023.
Sa tala ng ahensiya, tumaas nang 21.80% ang mga insidente ng sunog mula Enero hanggang Disyembre 6 ngayong taon o aabot sa 352 ang fire incidents mula sa 289 na naitala sa kaparehong panahon noong nakaraang taon. Karamihan sa mga insidente ng sunog ngayong taon ay structural fire na nasa 159, na sinundan ng forest fire na nasa 98 at grass fire na 59. Naitala ang pinakamaraming insidente ng sunog sa lalawigan ng Benguet na umabot sa 108 na sinundan ng
Baguio City na may 75 fire incidents at Mountain Province na may 60 fire incidents.
Tumaas din ang bilang ng casualties dahil sa sunog ngayong taon na umabot sa 26 mula sa 20 noong nakaraang taon. Ngayong taon ay apat ang nasawi at 22 ang nasugatan habang noong nakaraang taon ay tatlo ang nasawi habang 17 ang nasugatan. Ang cost of damages naman ay tumaas nang 49.48% o P215,678,940.00 mula sa P144,282,350.00 noong nakaraang taon. Ayon kay Mendoza, pangunahing dahilan ng mga sunog partikular na sa structural fire ay napabayaang niluluto, nakasaksak na electrical appliances, at napabayaan na kandila.
Sa forest fire ay pangunahin pa ring dahilan ang pagkakaingin. Umapela si Mendoza sa publiko na sana ay maging aral ang mga naitalang insidente ng sunog kung saan, naging pahirapan
ang pag-apula nito lalo na sa mga bulubunduking lugar na hirap maabot ng mga fire trucks.
Umaasa ito na makikiisa ang lahat sa kanilang kampanya upang maiwasan ang anumang insidente
ng sunog at maisalba ang mga buhay, ari-arian, at ang kapaligiran.
Samantala, ngayong Yuletide season ay patuloy ang pagsasagawa ng BFP ng Oplan Paalala, Iwas Paputok. Puntirya ng ahensiya na makamit ang zero firecracker-related fire incident ngayong taon gaya noong 2021 at 2022. Umaasa rin sila na wala ng mabibiktima pa ng paputok. “Huwag na po tayong gumamit ng pailaw [at paputok] kasi baka madisgrasya pa tayo diyan. Humihingi po kami ng tulong ng ating mga kababayan na manood na lang tayo sa mga respective fireworks display kasi mas maganda, sama-sama ang pamilya .Sana ay salubungin ho natin nang tahimik, matiwasay, at masagana ang papasok na 2024,” mensahe ni Mendoza.
(DEG-PIA CAR)
November 1, 2024
November 1, 2024
November 1, 2024
November 1, 2024
November 1, 2024