Kapabayaan sa “chain of custody” dapat may managot

Editorial

Noong Nobyembre 15, 2021 ay ibinasura ng San Fernando City regional trial court (RTC) ang drug case laban kay Julian Roberto S. Ongpin, anak ng bilyonaryong negosyante at dating Trade and Industry Minister Roberto V. Ongpin.

Ikinakabit din si Julian Ongpin sa pagkamatay ni Breanna “Bree” Jonson, isang sumisikat na artist sa isang resort sa San Juan, La Union noong Setyembre 18, 2021.

Sa desisyon at kautusan na inilabas ni Judge Romeo E. Agacita Jr. San Fernando City Regional Trial Court Presiding Judge, sinabi ng trial court na nabigong sumunod ang mga pulis na umaresto kay Julian sa mga probisyon ng Section 21 ng Republic Act No. 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.

Sa Section 21 ng RA 9165 ay ipinapatupad ang isang mahigpit na pagsunod sa “chain of custody” ng nakumpiskang mga droga. Hinihingi ng batas na ang mga nakumpiskang iligal na droga ay dapat maimbentaryo at makunan agad ng litrato matapos ang pagkumpiska o kumpiskasyon; ang pisikal na imbentaryo at paglitrato ay dapat gawin sa harap at presensiya ng akusado o kaniyang kinatawan o abugado, isang halal na public official, isang kinatawan mula sa media, isang kinatawan mula sa Department of Justice (DOJ), lahat sila ay kinakailangang pirmahan ang mga kopya ng imbentaryo at dapat mabigyan ng isang kopya nito; at ang nakumpiskang mga droga ay dapat maipasa-kamay sa isang forensic laboratory sa loob ng 24 oras mula kumpiskasyon para sa pagsusuri.

Sa kaso laban kay Ongpin, sinabi ni Judge Agacita Jr. na nabigo ang mga pulis na agad na markahan ang mga sachet ng cocaine nang makumpiska mula sa silid nina Ongpin at Jonson.

Kung gayon gahil dito ayon sa hukom ay hindi matiyak kung paano ang hindi namarkahan na mga droga ay hinawakan o pinangasiwaan nang makumpiska ito. Maliwanag na ang pagbago/pagpalit sa nakuhang droga ay isang posibilidad dahil sa kawalan ng agarang marka ng mga ito.

Ikinatuwiran ng mga pulis na sa panahon ng pagproproseso ng ebidensiya ay dinala si Ongpin sa ospital para sa medical examination at sinabing ang kaso ay ukol sa imbestigasyon sa pagkamatay ni Jonson. Subalit sinabi ng korte na ang pagkakatuklas sa mga droga ay bumaling sa sitwasyon na isang “kaso ng pinaghihinalaan na mga droga” kung saan ang mga alituntunin ng “chain of custody” ay dapat na nasunod.

Upang patunayan na nagkasala ang isang tao ay dapat patunayan ng taga-usig na ang ebidensiyang iprinisinta sa korte ay ang parehong ebidensiya na narekober sa lugar ng umano’y krimen. Kailangang maipakita nila na ang ebidensiya ay napangasiwaan ng tama at hindi nakontamina o pinakialaman/binago.

Kung hindi maayos ang pangangasiwa o paghawak ng mga tagapag-patupad ng batas sa ebidensiya, ang ebidensiya ay mahahamon sa kadahilanang napakialaman o nabago ito, na ang resulta ay mali o di-wasto, o ang ebidensiya ay itinanim sa lugar ng isang krimen.

At dahil ang paglilitis sa mga kasong kriminal ay nananalig sa ebidensiya na nakalap ng mga pulis, karaniwan na ang mga taga-usig (prosecutors) ang dapat magtatag ng chain of custody.

Ang pagpapatunay ng chain of custody ay maaaring mahirap. Kung hindi ito ginagawa ng tama ng mga tagapag-patupad ng batas, ang chain of custody ay maaaring matagumpay na hamunin sa isang kasong kriminal. Ang paghamon sa chain of custody ay maaaring maging matagumpay na istratehiya ng depensa upang maalis ang ebidensiya na maaaring gamitin upang mahatulan ang isang nasasakdal.

Kahit na mayroong sapat na testimonya na ang ebidensiya ay gaya ng inaangkin nito at ang testimonya ay inilatag upang patunayan ang chain of custody, ang mga pagkakaiba sa chain of custody ay maaari pa ring hamunin at ang isang hukom ay maaaring gamitin ang mga pagkakaiba na iyon sa pagtatasa o pagsusuri sa bigat at kredibilidad ng ebidensiya matapos itong tanggapin.

Kung hahayaang ibatay ng mga hukom ang kanilang mga desisyon sa ebidensiya na nasira, di-mapagkakatiwalaan, o nabago/napalitan ay maaaring sumira at magpahina sa integridad ng sistemang panghukuman.

Hindi na kataka-taka na hindi matanggap ni Sally Jonson, ina ni Bree Jonson ang pagpapawalang-saysay sa kaso na dahil lamang sa kapabayaan ng mga pulis sa mga ebidensiya sa kaso kaya naibasura lamang ito at tinawag pa itong katawa-tawa, baligho, at di katanggaptanggap.

Sinabi pa niya na ito ay isang mapamiling hustisya dahil sa “mayaman” ang sangkot at kung mahirap lang ang nasasakdal ay tiyak kulong agad daw ito.

Isa lamang ang kaso ni Julian Ongpin sa napakaraming kaso na napawalang-saysay dahil lamang sa teknikalidad at hindi nag-iisa si Sally Jonson sa mga sumisigaw ng katarungan.

Ang pangakong pagrepaso ng PNP sa kaso at titingnan kung may paglabag nga sa proseso at ang hiwalay na pag-iimbestiga ng NBI ay humantong sana sa tunay na resolusyon ng kaso, managot ang dapat managot habang tinitimbang din ang karapatan ng akusado na itinatakda ng batas.