Kapakanan ng mga lokal na magsasaka isaalang-alang naman

Habang patuloy pa rin na abala ang gobyerno at mamamayan sa pagbabantay at pakikipagpatintero sa COVID-19 ay tila naisantabi at napapabayaan na rin ang ilang usapin at isyu na may kinalaman sa mga pangunahing pangangailangan ng tao at gayundin ang tanging pangkabuhayan ng maraming Pilipino, ang pagsasaka – partikular dito ang suliranin at alalahanin ng mga magsasaka ng gulay sa Benguet sa ‘iligal na importasyon’ ng mga gulay.
Sa mga nakaraang taon ay isinigaw na ng mga magsasaka sa Benguet na ikinatawan ng mga grupo, organisasyon at kooperatiba ang talamak at tuloy-tuloy na pagpasok ng mga “smuggled vegetables” sa bansa na bumaha sa mga pamilihan sa iba’t-ibang lugar ng Pilipinas.
Pinansin naman ito at nagkaroon ng ilang pagdinig sa Senado, subalit hanggang ngayon ay wala pang malinaw na resolusyon o kahit magandang balita man lang ukol dito. Ang pagpasok ng mga ‘ipinuslit na mga gulay’ ay lubhang nakakaapekto sa kita ng mga lokal na magsasaka at produksiyon ng mga ito.
Hanggang ngayon ay nanawagan pa rin at sumisigaw ang mga magsasaka dahil sa loob ng siyam na buwan ay patuloy pa rin na nalulugi ang mga ito ng tinatantiyang PhP2.5 milyon bawat araw sanhi ng iligal na importasyon ng mga gulay na bumabaha pa rin sa mga palengke, ayon sa League of Associations at the La Trinidad Vegetable Trading Post (LALTVTP).
Ang LALTVTP ay ang pinakamalaking organisasyon na may kinalaman sa agrikultura sa Benguet na may nasa 10,000 miyembro na sumasakop sa iba-ibang stakeholders ng industriya sa kalakalan ng gulay na nakabase sa La Trinidad, Benguet.
Inilahad pa ng grupo na nanlumo sila at tinuligsa ang hindi pag-imbita sa kanila o kahit sinumang kinatawan nila sa isinagawang “Farmers’ Congress” noong Marso 16 na ginanap sa Provincial Capitol.
Nailahad sana at naipakita ng grupo ang kanilang patunay at nalalaman gayundin ang sentimiyento sa patuloy pa rin na pagpasok ng smuggled carrots at iba pang gulay sa mga pamilihan sa Manila at mga probinsiya.
Hinaing nila na kung totoong may mga aksiyon na laban sa smuggling na sinasabi ng mga matataas na opisyal ng probinsiya ng Benguet ay bakit tila daw walang maramdamang epekto at hindi pa rin tumitigil ang smuggling.
Dahil dito ay nakadama sila ng panghihina na kahit ang mismong pamahalaan ng probinsiya ay tinatawag pa daw silang mga sinungaling dahil sa kabila ng mga ebidensiya na iprinisinta sa kanila sa nakaraang mga buwan. Kahit daw sa pagdinig ng Senado noong Disyembre 2021 ay itinanggi ng pamahalaan ng probinsiya na may nangyayaring smuggling ng gulay at inakusahan pa ang organisasyon na gumagamit ng ‘niresiklong mga larawan’.
Ayon sa tagapagsalita ng LALTVTP na per volume, nasa 38 milyon kilos ng iligal na inangkat na mga carrot sa ating merkado bawat buwan, kung saan nakapagtala ang LALTVTP ng 40 porsiyentong mas mababang mga order sa nakaraang mga buwan na hindi na tumigil ang smuggling sa loob ng siyam na buwan na.
Sa tulong ng Lawyers for Farmers (LFF) ay tinitingnan ng grupo ang posibilidad na magpila ng mga kaso sa korte laban sa iba-ibang opisina ng gobyerno dahil sa kawalan ng aksiyon ukol sa problemang ito kung saan nauna nang inireklamo sa kani-kanilang mga opisina mahigit siyam na buwan na ang nakalilipas. Ayon sa LFF, ang ‘iligal na importasyon’ ay ganggakalingkingan lamang sa mga problemang kinakaharap ng mga magsasaka kaya sila ay naitatag at pangunahin ay partikular na matulungan ang mga magsasaka at ang sektor ng agrikultura sa pangkalahatan.
Ang usapin at isyu ng smuggling o iligal na importasyon ay hindi na bago sa kalakalan sa bansa, andiyan na yan sa loob ng maraming taon, dekada o baka siglo pa nga. Napakalaking halaga ang nawawala sa kaban ng gobyerno dahil sa naipagkait na buwis at mas malala pa ang matinding hagupit sa kinikita ng mga lokal na magsasaka at negosyante.
Naging napakalaki at talamak nang sanhi ng korapsiyon ito at pinagkakakitaan ng mga tiwaling opisyal na kasabwat ang mga “pontio-pilatong” opisyal ng mga ahensiya. Sa kabalintunaan ay napakarami nang batas ang inilabas, ginagamit na panakip-butas subalit sa katotohan ay mga walang silbing batas bagkus ay piraso lamang ng basurang papel – dahil hindi ito naipapatupad ng tunay at tapat.
Tama ang sinabi ng isang senador na kahit may ‘walong toll gates ng smuggling sa agrikultura’ ay napakarami pa rin ang naipupuslit sa ating mga daungan. Hindi ito kooperasyon ng bawat ahensiya kundi sabwatan na ng mga ahensiya – na dapat nang matigil!

Amianan Balita Ngayon