Kapitan ng Camp 7, suspendido ng 6 buwan

Anim na buwan na sinuspendi si Camp 7 Punong Barangay Constancio Danao dahil sa serious dishonesty at grave misconduct.
Ito ay matapos inaprubahan ng konseho ng lungsod ang rekomendasyon ng sangay nito sa mga kaso ng barangay na pagsuspinde sa naturang kapitan.
Sa 19 na pahinang resolusyon ng konseho ay nakitang guilty si Danao dahil sa pagmamanipula sa pagbili ng kinakailangang warning devices at disaster risk reduction and management equipment sa pamamagitan ng pagpayag sa pagbabayad ng mga kagamitan nang walang pagsang-ayon ang barangay Bids and Awards Committee (BAC).
Ayon sa konseho, hindi maaaring payagan ng pamahalaan ang paninilbihan ng hindi tapat na opisyal, bagaman maayos nitong nagagampanan ang kanyang tungkulin, dahil nagkakaroon pa ito ng mas malaking pagkakataon at impluwensya upang kumilos laban sa mamamayan; at bunsod ng kanyang posisyon ay hindi makapanlaban ang mga biktima ng kanyang hindi makatarungang gawa.
Ayon sa resolusyon ay napatunayang si Danao ay nagdesisyon na ito mismo ang magtuloy sa pag-award sa procured items sa kabila ng desisyon ng BAC na ihinto ang bidding process dahil sa lantarang depekto sa proseso. Isinantabi ni Danao ang ilang requirements at minadali ang regular na panahon ng procurement.
Dagdag pa sa resolusyon, kabilang sa complaint kay Danao ang paglalabas ng cheque na pambayad sa mga kagamitan sa isang J&J, na isang paglabag dahil nangyari ito sa parehong araw na ang abstract of bids at BAC resolution ay nilagdaan.
Sa resolusyon ay may pagdududa sa naging aksyon ni Danao na binayaran agad ang supplier sa kabila ng kwestyonableng mga dokumento.
Inilahad din sa resolusyon na ang pag-impluwensya o panggigipit sa sinumang miyembro ng BAC o empleyado ng procuring entity na kumilos nang pabor sa isang bidder ay maaaring maparusahan sa ilalim ng penal clause ng Procurement Law.
Sa klasipikasyon ng administrative offenses bilang grave, less grave at light o kaya ay serious, less serious, light o simple, iginiit ng resolusyon na ang ginawa ni Danao ay serious dishonesty ayon na rin sa mga nailaahad na pangyayari. PIO Baguio / ABN

Amianan Balita Ngayon