KAPULISAN NAGBABALA LABAN SA MANDURUKOT, IPIT AT BUDOL-BUDOL GANG

BAGUIO CITY

Nanawagan ang Baguio City Police Office sa publiko na maging maingat at maging alerto laban sa mga masasamang elemento na magsa-samantala ngayong panahon ng Panagbenga Festival sa siyudad. Ayon kay Capt. Angeline Dongpa-en, ang information officer ng BCPO, wala pang report ng pagnanakaw sa kasalukuyang market encounter sa Burnham Park, pero sa night market sa Harrison Road ay mayroon ng isang insidente ng pagnanakaw.

“Tuwing oplan ina-advice ko sa mga kasamahan ko na sabihin sa mga taong dadalo ng aktibidad na i-on ang app na “Find My Phone” kasi sobrang laki ang maitutulong nun”, ayon kay Dongpa-en.
Aniya, hindi lang umano taga- Baguio ang mga mandurukot kung hindi mayroon ding mga tagalowland na sumasabay sa ganitong modus. Ayon naman kay John Banaqued, isang marshal sa
Market Encounter, pinag-iingat nila ang mga tao sa lungsod sa kasagsagan ng Panagbenga dahil sa posibleng pagkakaroon ng insidente ng pagnanakaw na pinapangunahan ng Ipit Gang, pickpockets, at Budol budol Gang.

Sa ngayon ay mahigpit nilang binabantayan ang buong lugar upang maiwasan ang anumang aberya gaya ng pagkawala ng cellphone at wallets. Ayon pa kay Banaqued, ang mga pangunahing biktima
ng mga ito ay mga turista at lokal na estudyanteng bumibisita sa nasabing aktibidad. Pinayuhan nito ang mga bibisita sa Market Encounter na laging iharap ang mga importanteng bagay gaya ng bag na may lamang cellphone at wallets, at iwasang maglagay sa bulsa ng mga jacket. Paalala rin nito sa mga turista na sundin ang “You Travel Light” kung saan, mas mabuting iwan na lamang sa
transient houses nila ang mga bagay na hindi importante upang maiwasan ang pandurukot.

Jerico Cayabyab/UB Intern/ABN

Amianan Balita Ngayon