PAPATAPOS NA ang taong 2024 na kay dali ring dumaan at ngayon ay lumilipas. Parang agos ng ilog na kapag dumaan ay hindi na bumabalik at tuloy tuloy lang ang pag-agos.Tila unos na humampas sa nagdang agos ng buhay. Tila patak ng ulan na hanggang ngayon ay humahampas, hindi dito sa ating lungsod, kundi sa kapatagan. Kalunos-lunos ang mga larawan ng paghasik ng Inang Kalikasan. Samantalang dito ay maaliwalas ang kalangitan, duon sa mga sinalanta ay tuloy-tuloy ang mala-delubyong pagbuhos ng ulan at paghampas ng hangin.
Ang mga kalsada ay nabiyak, ang mga taniman ay bumigay, ang mga taga-roon ay gamit lang ang mga tsinelas sa pagbagtas. Ngayong Kapaskuhan, dala ng kagustuhan, ating ipinagdiwang ang muling pagkakasama-sama. Dumating mula Saudi si Ate, laking galak ang bumitaw. Sumunod naman si Kuya, galing Amerika, ayun, hiyawan sa tuwa ang barangay. Walang pagsidlan ang galak at tuwa at hindi magkamayaw ang ligaya ng mga nag-uwiang OFW Mala-piyesta ang dating! Ang mga hindi nakauwi ng Pinas, nagkasyang nag-Zoom, isang bagay na nitong huling dekada ay hindi pa uso.
Larawan sa larawan, tinig sa tinig, umaatikabo ang kwentuhan, ang bidahan na ilang mga taon ding nasupil. Kaya naman, Pasko ang selebrasyon na pinaka sa lahat ng mga ipinagdiriwang sa buong taun. At dahil sa panahon pa rin ng Pasko, gayung ilang araw ay Bagong Taon na, ating igagalang ang ligaya na dulot ng panahon. Ligayang
nagbibigay bugso ng pag-asa para sa hinaharap. Ligayang maaaring naipagkait ng ilang buwan at ngayon ay
pumipiglas, bumibitaw, at gumuguhit ng panibagong anyo.
Ang mga sigalot at di pagkakaunawaan, atin na munang isantabi. Maging mapagpatawad at maging napatawad kung sinoman ang hindi makasundo nitong dumaraang taon. Ang kaibigang kay tagal ding inaruga, ngayon ay buong
layang tinatawagan, kinukumusta, at binabadya ng ibayong kasiyahan. Pasko na, aking sinta! Bigyang laya ang kay tagal ng kimkim ng damdamin at sinusupil ang pag-iisip. Kung noong minsan ay muntik ng makawala, ngayong Pasko, ay hayaang makahulagpos, tahasang isantabi ang anumang siphayo ng pagkakalayo ay pabayaang bigyang buhay ang damdaming ngayon ay kumawala.
Pasko na, aking mahal! Bigyang daan ang agos ng unawaan at hayaang ang panibagong hininga ng pagkakasundo ay mamutawi sa mga labi na kay tagal ding umukit ng larawang hanggang pagkakatanda lamang mararanasan.
Kailanman, ang pusong naantig ay gigising din upang bigyang laya ang kay tagal ding nalimlim sa takip-silim ng
buhay. Anuman ang panahon, anuman ang pagkakataon, kapag Pasko ang ipinagdiriwang, titigil ang agos ng buhay, hihinto ang mga dalamhating kay tagal ding kinimkim. Pasko na, Baguio ko. Muling ihihiyaw ang ngalan nya. Muling isusulong ang patuloy na usad ng kaligayahang nakatuon sa panginorin ang katuparan.
December 28, 2024
January 12, 2025
January 12, 2025
January 12, 2025
January 12, 2025
January 12, 2025
January 4, 2025