KASO LABAN SA “PINE-TREE KILLERS” PINAWALANG SAYSAY NG KORTE

Headlines

LUNGSOD NG BAGUIO – Pinawalang-saysay ng Municipal Trial Court in Cities (MTCC) First Judicial Region Fourth Branch ang kaso laban sa mga opisyal ng isang korporasyon na responsable sa umano’y pagkamatay ng 45 pine trees sa kanilang pagaaring lote dahil sa paglipas ng “prescription of crime”.

Sa isang nakuhang desisyon noong Mayo 20, 2021 ay sinabi ni Acting Presiding Judge Melita Amelysha G. Delson-Macaraeg na ginamit ang probisyon sa Rules of Court dahil sa kawalan ng anumang aplikableng probisyon sa environmental rules.

Partikular na binanggit ang Section 1 Rule 110 ng Rules of Court kung saan base sa probisyong ito ang isang criminal action ay itinatagtag sa chartered City of Baguio sa oras ng pagpipila ng Reklamo sa Office of the City Prosecutor.

Dito pa lamang na ang pagtakbo ng “period of prescription” ng pagkakasala ay naaantala. At sa partikular na kasong ito, ang Affidavit-Complaint ay ipinila sa Office of the City Prosecutor noong Agosto 2, 2019.

Sa kasamaang-palad para sa Estado, ito ay sobrang lagpas na sa dalawang-buwan na peryodo mula Marso o Abril 2019 na nakasaad sa Impormasyon bilang petsa ng pagsasagawa ng kasalanan. Kahit pa ang Korte ay lumampas sa apat na pader ng Impormasyon at magbase sa mga salaysay ng mga saksi na nagsasabing nangyari nga ang pagkakasala noong Mayo 19, 2019, ang criminal action ay wala pa rin sa oras.

Kaya ang motion to quash information ay ipinagkaloob at pinawalang-saysay ang kaso dahil ang pagplila nito ay nahadlangan-sa-oras ng prescription. Nagpila ang mga akusadong sina Jasper Golangco, Jeremy Wilson L. Golangco, Pompidou L. Golangco, Imelda T. Lao, Esmeralda Lubos at Lo Chen Wen ng Omnibus Motion na hinihinging mapawalang-saysay man o mapawalang-bisa ang Informations na ipinila para sa kasong paglabag sa Section 226 paragraph C (1) ng City Ordinance 18 series of 2016 o ang Environment Code of Baguio City.

Nag-ugat ang kaso mula sa isang ulat noong Hulyo 2019 ng Forest and Watershed Management Division ng City Environment and Parks Manaegement Office hinggil sa isang kumpol ng patay na Benguet pine trees sa isang bakanteng lote sa Burnham-Legarda barangay.

Ang 5,186-square meter na lote ay pag-aari ng Gateluck Corp. na binili nito mula sa isang Carmen Legarda Ayesa noong 2018, ayon sa mga record ng City Assessor’s Office.

Isang surpresang inspeksiyon ang ginawa sa pangunguna ni Mayor Benjamin Magalong noong Hulyo 24, 2019 at nabunyag na nagtamo ang mga punong-kahoy ng mga butas at napagalamang ginamitan ng “poisonous o toxic na substance”. Dahil dito ay nagpila ng reklamo si Mayor Magalong laban sa Gateluck Corp. noong Agosto 2, 2019.

Naunang pinawalang-saysay ni Deputy Prosecutor Conrado Catral Jr. ng Baguio City Prosecutor’s Office ang reklamo dahil sa umano’y pagkabigo sa panig ng pamahalaang lungsod na patunayan na iniutos nga ng mga opisyal ng Gateluck Corp. ang paglason sa mga punong-kahoy.

Nirepaso ng Benguet Prosecutor’s Office ang reklamo matapos magpila si Magalong ng motion for reconsideration at sa isang criminal information ay nakita ni Assistant Benguet Provincial Prosecutor Sheryl Anne Paoad-Cabantac na may probable cause upang isakdal ang 12 oisyal at mga empleyado ng Gateluck Corporation at Greatzone Enterprises dahil sa paglabag sa Environment Code of Baguio City.

Sinikap ngunit hindi agad maaaring makunan ng pahayag si Mayor Magalong ukol sa bagay na ito.

(PMCJr.-ABN)