Kaso ng dengue sa Cordillera, tumaas ng 87%

Iniulat ng Department of Health Cordillera (DOH-CAR) office ang lubhang pagtaas ng kaso ng dengue fever ng 87 porsiyento para sa unang 17 linggo ngayong taon na may kabuuang 903 na kaso sa buong rehiyon kumpara sa 484 na kaso ng parehong panahon noong nakaraang taon.
Ayon kay Geeny Anne. I. Austria, nurse sa regional epidemiology and surveillance unit ng DOH-CAR, may naitalang tatlong namatay dahil sa dengue ngayong taon, dalawang bata mula Baguio at La Trinidad at isang namatay mula sa Pangasinan kumpara sa isa lamang na dengue-related ang naitalang namatay sa parehong panahon noong 2017.
Base sa datos na nakuha mula sa DOH-CAR, lahat ng dengue fever cases na naitala sa rehiyon ngayong taon ay 266 (29.5%) mula sa Kalinga, 195 (21.6%) sa Benguet; 104 (11.5%) sa Baguio City; 76 (8.4%) sa Apayao; 67 (7.4%) mula Abra; parehong 24 (2.7%) mula Ifugao at Mountain Province; at 147 (16.7%) mula sa non-CAR provinces.
Pinaalalahanan ni Austria ang publiko sa kahalagahan ng paglilinis sa loob at labas ng kanilang tahanan, lalo na sa araw-araw na pag-ulan, at dapat tiyakin na ang malinaw at mabahong tubig na siyang breeding ground ng dengue-carrying mosquitoes ay matanggal upang maiwasan ang pagtaas ng populasyon ng mga female aedes mosquito.
Aniya, ang mga taong dumaranas ng influenza-like illnesses ay kailangang agad komunsulta sa health authorities sa malapit na pasilidad upang ang kanilang kalagayan ay mabigyan ng tamang diagnosis at upang maiwasan ang indibidwal sa nakakatakot na sakit na maaaring makompromiso ang kanilang kalugusan sa hinaharap.
Pinaalalahanan din ng opisyal ng DOH-CAR ang publiko na huwag mag-self-medicate kapag nakakaranas ng influenza-like illnesses at isaalang-alang na pinakamainam na komunsulta sa mga eksperto sa kalusugan sa pinakamalapit na pasilidad para sa tamang pagsusuri ng kanilang mga sakit, sa halip na ikompromiso ang kanilang kalusugan sa pamamagitan ng self-medication.
Mula sa dating cyclical trend o may panahon, ipinaliwanag ni Austria na ang dengue fever ay naging sakit buong-taon kaya naman ang magandang paraan para maiwasan ng mga tao ang pagdami ng dengue-carrying mosquito sa kanilang lugar ay panatilihin ang kalinisan sa kanilang paligid.
Binanggit din ni Austria na mayroon ding clustering ng dengue cases sa maraming barangay sa lungsod at Tabuk City sa Kalinga sa nakalipas na ilang lingo at ang mga health teams sa komunidad ay pinalakas ng regional at provincial health offices upang matugunan ang mga suliranin sa kalusugan ng mga tao sa apektadong lugar at upang maiwasan ang pagdami ng problema sa mga epidemikong sukat na maaaring magresulta sa mas malubhang problema hindi lamang para sa mga residente kundi para sa mga health authorities. BAGUIO PIO / ABN

Amianan Balita Ngayon