Iniulat ng Department of Health-Cordillera na tumaas ng 10 porsyento ang kaso ng Hand, Foot and Mouth Disease sa rehiyon.
Ayon sa DOH-CAR, may 65 kaso ng HFMD ang naitala noong Week 1-21 o mula Enero hanggang Mayo ngayong taon kumpara sa parehong panahon noong 2016 na may 59 na naitala.
Ngayong taon ay may 23 na naitala sa Benguet, 21 sa Kalinga, 16 sa Baguio City, 2 sa Apayao, 2 sa Ifugao at isang mula sa kalapit na lugar ng rehiyon. Karamihang tinamaan ng naturang sakit ang mga lalaki na may 40 na naitala.
Ayon sa DOH, mas mataas pa umano ang kaso ng HFMD kumpara sa dengue, influenza, typhoid at acute bloody diarrhea.
Ang HFMD ay isang viral infection na may kaakibat na pamumula o pagsusugat sa bahagi ng bibig, mga kamay, at paa. Kabilang din sa sintomas ang pagkakaroon ng lagnat o kaya’y ubo at sipon.
Sinabi ni Geeny Anne I. Austria, Nurse V ng DOH-CAR, kaya mabilis tumaas ang kaso ng HFMD ay dahil mabilis din itong maipasa. “It is the same ang transmission sa bata at adult but mas nakikita natin siya sa bata kasi wala pa silang immunity.”
Ito ay naipapasa sa pamamagitan ng direktang pakikisalamuha sa taong may sakit at mula sa mga kontaminadong bagay na nahawakan ng may HFMD. Pinakamabilis na naihahawa ang sakit sa unang linggo. Walang lunas ang sakit ngunit kadalasan na kusa itong gumagaling matapos ang ilang araw ng pagkakasakit.
“Mahirap po talaga siyang ikontrol dahil self-limiting, kusang nawawala sa katawan kaya ang ginagawa natin, mina-manage yung pasyente sa kanyang sintomas,” saad pa ni Austria.
Gaya ng bulutong at tigdas ay minsan lamang nararanasan ng isang tao na magkasakit ng HFMD dahil sa pagkakaroon ng immunity. Maari pa rin itong maiwasan sa pamamagitan ng pagpapabakuna na libre sa lahat. Maiiwasan din ito sa palagiang paghugas ng kamay at pagtatakip sa ilong at bunganga kapag umuubo at bumabahing. MYSTICA CHER LAURETA, UC Intern / ABN
June 18, 2017
September 13, 2024
September 13, 2024
September 13, 2024
September 13, 2024
September 13, 2024