Kaso ng tigdas sa Baguio tumaas- DOH-CAR

Community Billboard

LUNGSOD NG BAGUIO – Iniulat ng Department of Health (DOH) ang pagtaas ng kaso ng tigdas sa Cordillera Administrative Region (CAR) sa unang quarter ng 2019.

Napag-alaman sa DOH Measles Surveillance Report na mayroong 211 suspected cases of measles sa rehiyon na may kabuuang 904% na pagtaas mula Enero 1 hanggang 25 ng kasalukuyang taon, kumpara sa 21 suspected cases na iniulat noong 2018 sa parehong panahon.

Ayon sa ulat, sa 211 na kaso sa rehiyon ay may 112 o 53% ang kaso ng tigdas sa lalaki, samantalang 99 o 47% naman sa babae.

Ang 65 na kaso ng tigdas ay nakumpirma ng laboratoryo na iniulat din sa rehiyon mula sa parehong panahon na kung saan ay mas mataas kumpara sa kumpirmadong zero case noong 2018.

Dalawampu’t-walo (28) o 43% sa 65 na nakumpirmang kaso ng tigdas ang nabakunahan subalit ang tatlumpu’t pito (37) o 57% ay hindi nabakunahan.

Sa suspected cases of measles at confirmed cases ng laboratory report, ang Baguio City ang may pinakamaraming kaso ng tigdas sa CAR na may 119 suspected cases at 65 na laboratory confirmed cases.

Sumunod naman ang Benguet na mayroong 60 suspected measles cases at 11 laboratory confirmed cases. Ayon kay DOH-CAR Epidemiology and Surveillance Unit Nurse V Geeny Anne Austria, kapag ang isang taong may impeksiyon ng tigdas ay umubo o magbahin, ang virus ay maaaring manatili sa hangin ng hanggang 2-3 oras at madaling mailipat sa ibang tao, lalo na sa mga hindi pa nabakunahan ng kontra tigdas.

Dagdag pa niya na ang isang nahawaang tao ay maaaring makaranas ng mga sintomas tulad ng rashes, sipon, ubo, lagnat at conjunctivitis o pulang mata na na tumatagal ng higit sa 3 araw, ay maaaring humantong sa mga komplikasyon tulad ng diarrhea, otitis media, pneumonia, encephalitis, malnutrisyon at pagkabulag.

Sinabi niya na ang pinakamahusay na remedyo para sa tigdas ay ang pag-iwas sa pamamagitan ng pagbabakuna. Gayunpaman, sinabi din ni Austria na ang mga sanggol na mas mababa sa siyam(9) na buwan na hindi pa pinapayagan na mabakunahan, pinapayuhan niya ang mga ina na panatilihin ang mga ito mula sa masikip na lugar at hangga’t maaari ay manatili sa bahay upang maiwasan sa pagkahawa ng virus.

 

 

Cindy S. Mandapat at Jethro Faina, UB
Interns/ABN