Kasunduang TESDA-NCIP, pakikinabangan ng Cordillera IPs

Makikinabang ang Cordillera region, bilang isa sa mga lugar sa bansa, mula sa Memorandum of Agreement (MOA) sa pagitan ng Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) at ng National Commission on Indigenous Peoples (NCIP) upang sanayin ang rehiyon na maging self o wage employed.
Ang MOA ay nakahanay sa dalawang strategy ng TESDA sa pagbabawas ng kahirapan na naglalayong makapagbigay ng mga interbensyon sa pamamagitan ng pag-unlad ng mga kasanayan sa mga Indigenous Peoples.
Sa kasunduan ay kinilala ang Republic Act (RA) 8371 o Indigenous Peoples Rights Act (IPRA) of 1997 na kumikilala at nagtataguyod sa karapatan ng indigenous cultural communities (ICCs) sa national unity at development.
Paulit-ulit na inilahad ni President Rodrigo Roa Duterte ang kahalagahan ng pagtutok sa mga pangangailangan ng IPs sa bansa at inatasan ang mga ahensiyang magsikap upang matulungan ang mga marginalized communities na bigyan ng kakayahan upang mapabuti ang kanilang kondisyon.
Sa panayam kay TESDA Cordillera Administrative Region (CAR) Regional Director Rafael Abrogar II, halos 900 miyembro mula sa IP communities ng Abra ang nakinabang mula sa MOA pagkatapos itong mapirmahan noong Pebrero 2017.
Nabanggit niya na ang mga kakayahan tulad ng bread making, food processing, small engine services, wiring at lighting system, preventive maintenance para sa motorcycles, ay kabilang sa mga training na mayroon at eligible para sa Certificate of Competency (COC).
May iba pang TESDA skills trainings na sakop din ng COC, kung saan pinapayagan ang mga magsisipagtapos upang maging karapat-dapat para sa employment dito sa bansa o abroad.
Ipinaliwanag ni Abrogar na ang COC ay ginagamit para sa community-based trainings na magtataguyod ng self-employment para maging self-sufficient ang mga IPs at upang maging tulay sa wage-employment.
Sinabi pa ni Abrogar na inaasahan nilang tataas ang bilang ng mga IPs sa rehiyon na kukuha ng TESDA programs sa ilalim ng MOA sa katapusan ng Hulyo.
Sa parehong okasyon, sinabi naman ni TESDA Deputy Director General for Operations Alvin Feliciano na “Cordillera Administrative Region (CAR) will benefit from this administration’s project since as we all know CAR, at most, has IP communities.”
Idinagdag ni Abrogar na ang TESDA Cordillera ay palalakasin ang kanilang programa at magsisikap upang maabot yung mga nasa malayong komunidad at maipaabot ang mataas na kalidad at epektibong technical education at skills development kabilang ang scholarships na mayroon sa rehiyon.
Ayon pa rin kay Feliciano, ang kasunduan ay naglalayong mapaglingkuran ang halos 20,000 hanggang 30,000 na IP nationwide.
Idiniin ni Feliciano ang isinusulong ng Presidente at sinabing may mga magagamit na programa at gawad upang magbigay ng kakayahan sa lahat. “Poverty is not a hindrance to improve one’s self,” dahil may mga sumusuporta sa pamahalaan na nagbibigay para sa pagpapabuti ng mga Pilipino. Nestor Castañeda Jr./PNA / ABN

Amianan Balita Ngayon