“KATANGI-TANGING BENGUET “

Noo’y kulelat ang Benguet sa mga pasilidad pang-sports, ngunit ngayo’y taas noong ipinangangalandakan nito ang pag- host sa taunang Cordillera Region Athletic Association (CARAA) mula Pebrero 23 hanggang 28, ngayong taon.
Sa pagkukumahog upang makalikom ng pondo at suporta ni Benguet Congressman Eric Go Yap, magagamit na ang Benguet Aquatic Center, rubberized track at nakumpuni na ang gym sa Benguet Sports Complex.

Ang state-of-the-art at Olympic-standard na Benguet Aquatic Center, na nagkakahalag nang umaabot sa kalahating bilyong, ay nakabitan ng heater at touchpad sensors upang makita ang saktong oras (race time) ng lumalangoy. Bukod dito’y may “warm-up” pool, maayos na shower facilities at bleachers. Tiyak na namangha ang mga kabataang manlalaro sa CARAA 2025 sa bagong-bagong tartan tracks ng athletic oval at FIBA-standard basketball gymnasium sa Benguet Sports Complex.

Tiyak na kinaiinggitan ang Benguet ng 5 pang mga probinsya at dalawang lungsod ng Cordillera Administrative Region (CAR) sa angkin sipag ng mga opisyales sa pamumuno ni Cong. Yap upang mapahusay at mapaganda ang mga pasilidad pang-palakasan na pagsasanayan ng mga kabataan ng Benguet. Bukod sa pakinabang nga kabataan at mga manlalaro ng probinsya, ang mga bagong sports facilities sa Benguet ay siguradong makakaengganyo sa mga iba pang kabataan at mga mahihilig sa palakasan upang dayuhin ang Benguet.

Dahil dito, higit pang mailalagay sa pedestal ang probinsya hindi lamang sa angking kagandahan ng mga kabundukan, produktong agrikultura gaya ng strawberries at gulay, kundi sa larangan ng sports-tourism. Sinisimulan na ring ibangon ang Benguet Convention Center at mas marami pang pasilidad pangkalusugan, paaralan, kalsada, patubig sa mga sakahan at maiinom, ilaw, at iba pa. Bukod-tanging paglilingkod ang ipinapamalas ni Cong. Yap sa Benguet. Hindi man siya pinanganak sa probinsya, ngunit ang puso at isipa’y para sa tuloy tuloy na pag-angat ng Benguet!

Amianan Balita Ngayon