KATAPAT NG MATAPAT

NGAYONG iilang araw na lamang ang Buwan na ng Pagmamahal – singdami ng mga daliri sa isang kamaong bukas – huwag ng magoatumpik – tumpik. Aksyonan na ang hanggang ngayon ay kinikimkim ng pusong nauutal at napipipi.
Hindi pa huli upang bigkasin ng buong laya ang mga katagang hanggang ngayon ay kwintas pa ring palamuti sa mukha. Sa mga pusong nagmamahal, kailanman ay hindi hadlang ang agos ng panahon. Sa mga magsing-irog, kakayanin lahat, mabigyan lang ng tinig ang kay tagal ng sinusupil.

Ngayon na ang panahon. Hindi bukas o sa makalawa. Kaya naman, ngayon palang, alisin ang agam-agam. Iwaksi ang atubili. Bigyang daan ang mga katagang sinusupil ng mga haka-hakang bumabalakid. Ang buwang lilipas ay
parang agos ng ilog na hindi babalik. Namnamin ang nektar ng ligayang bumibigkis at pinagsasaluhan ng mga
magsing-irog. Pagsaluhan ang pagmamahal tulad ng mga mag-asawang hindi kinupasan ng panahon, ng mga
magkasintahang hindi napaghihiwalay ng mga simpleng di-pagkakaunawaan, at maging sila na nasa panahon pa rin ng ligawan.

Totoo namang nasa tunay na pag-ibig ang pagdiriwang tanging sa panahong ito nabibigyang init, nasasabugan ng alab, kahit na nadadampian ng kahit hibla ng munting tampuhan. Anu-ano nga ba ang mga paghahanda upang karapat-dapat ang pagmamahal? Kadalasan, mabunying rosas na nagpapahayag ng busilak na pag-ibig,
pinagsaluhan man o hindi. Nandyan di ang tsikolateng pagsasaluhan sa nag-iisang platito at tinidor. Ang iba naman
ay anumang makakayang bilhin ng salapi na ilang araw at linggo ring pinag-ipunan.

Amianan Balita Ngayon