Katutubong pagkain sa paaralan, isinusulong ng DepEd-CAR

Ihahain sa mga canteen ng paaralan sa Cordillera para sa mga mag-aaral ang mga katutubong pagkain tulad ng nilagang kamote, yam, tugue, aba, tambutambung, tinuduk, patupat, mais, kakanin at iba pang katutubong meryenda mula sa lokal na root crops at malagkit na kanin, pati na rin ang pagsisilbi ng tanglad juice na may honey.
Ito ay alinsunod sa implementasyon ng Department Order 13 Series of 2017 ng Department of Education-Cordillera (DepEd-CAR) na inilabas noong Marso na nag-uutos sa lahat ng paaralan sa bansa na ipagbawal ang pagbebenta at pagsisilbi ng hindi masustansiyang pagkain o mas kilala bilang “junk food” kasama na rin ang energy drinks at soft drinks sa cafeterias.
Sa ginanap na press conference noong July 6 para sa National Nutrition Month celebration, sinabi ni DepEd-CAR Public Affairs Officer Jeoraloy Palao-ay na ang pagsisimula ng promosyon at pagsisilbi ng mga indigenous food sa public schools ay upang malaman ng mga bata ang kahalagan ng masustansiyang pagkain.
Ang mga nabanggit na pagkain ay madalas na isilbi habang nagsasagawa ng pagpupulong at kahit sa mga okasyon at katutubong ritwal at cañao.
Upang palakasin pa ang pagsasanay ng pagsisilbi ng katutubong pagkain, isinasama rin ng DepEd-CAR sa mga aralin ng mga estudyante ang mga impormasyon tungkol sa locally produced na pagkain at ang kahalagahan ng kalusugan.
Sinabi pa ni Palao-ay na mahigpit na ipinapatupad ang department order na nagbibigay polisiya sa pagsisilbi at pagbebenta ng masustansiyang pagkain sa mga school canteens.
Karamihan sa mga public school sa rehiyon na nagsimulang nagbukas ng klase noong June 5, sinabi ni Palao-ay na masaya nitong iulat ang mataas na compliance rate ng department order sa Baguio City. “Most of the schools within Baguio City are now complying, although there are still those in transition to switching to indigenous foods.”
Sinabi niya na ipinagpapatuloy pa nila ang awareness campaign tungkol sa naturang department order upang hikayatin ang iba pang paaralan. Hinimok niya ang ibang paaralan na mag-imbita ng health personnel mula sa division office at rural health units upang maipaliwanag ang polisiya ng DepEd at mapag-usapan ang kahalagahan ng pagkain ng healthy foods, na mabibili sa murang halaga sa lahat ng palengke ng Cordillera.
Gayunpaman, sinabi ni Palao-ay na habang kinokontrol ang mga school canteens, ang hamon ay ang mahikayat ang mga establisimyento sa loob ng 100 meter radius ng paaralan na ipagbawal ang pagtitinda ng junk food. “We seek help from local government units to help strengthen the policy and to possibly pass ordinances or get a collaborative effort from the establishments.” KRIS CHAN,PNA / ABN

Amianan Balita Ngayon