Kung baga sa tsismis…gastado na. Yanang mukha ng pulitika sa ating bansa. Pero bakit mainit pa rin ang kaway? Tone toneldang dahilan kung kayat di maampat ang kanyang init sa tuwing siya ay dumarating. Pasadahan natin para sa dagdag-kaalaman ng madla: Bato-bato sa langit muna, hane? Bakit daw may mga nakaupo riyan na gusto ulit manilbihan? Nasa ugat na nila ang serbisyo-publiko DAW. Marami pa itong ambisyon para sa bayan na hindi pa tapos DAW. Yong iba nga..kauumpisa pa lang ang programa dahil sa kakapusan ng pondo at panahon DAW.
Ang iba naman, gusto pa rin siya ng taumbayan DAW. May tiwala ang bayan sa kanilang paninilbihan dahil malinis at walang bahid kakurakutan DAW. Ang iba naman, ayaw na nilang ibalik ang ilang nakaupo dahil sa hindi pagtupad sa kanilang mga ipinangakong sersbisyo DAW. Kasi nga naman, (di sa nilalahat) may mga pangakong napako. Nang umupo, bulsa na lang niya ang bida. Magsisi man ang kawawang sumuporta…huli na.
Kaya ang payo ng mga matuwid: kilatising maigi ang ating iboboto mga taong malinis ang hangarin na hindi balatkayo lamang kundi taos sa puso at tunay na may takot sa Diyos na hindi Pekeng Santo. Batid nating masalimuot ang larangan ng pulitika pero ang hatak nito sa lipunan ay grabe. Daming rasones. SERBISYO. Saludo tayo diyan, pards. Serbisyo sa bayan. At PANLILINLANG. Kuno ay Makabayan. Ng lumaon, unti unting lumalabo ang ambisyon at kumakagat na sa kinang ng pera. Malayo pa ang 2028 para sa eleksiyong-nasyonal…pero usap-usapan na.
Kita naman natin kung papano mag upakan ngayon ang mga taong may ambisyong tumakbo sa naturang eleksiyon. Ehemplo na lang ang nangyayari kay VP Sara. Kaliwat’kanan ang mga banat at kasiraang ipinupukol sa kanya ngayon. Di man natin maisa-isa, kitang-kita ang mga maitim na balak kung papano nila ito batuhin. Para sa lokal, kanya-kanyang pagpo posisyon na rin bagama’t nasa bulungan-stage pa lang. Sabagay, ganyan kasimple ang estilo sa lokal. Silipan muna kung sinu-sino ang kasama sa brigada. Kapag nakabuo na…may pasaring na sa bayan.
Ang pinal sa partido man o grupo-pulitikal ay malalathala at maipapaalam sa bayan kapag tapos na ang takdang panahon ng rehistrasyon ng mga kandidato. Dito na papasok ang mga upak na: “walang kama-kamag-anak; walang kaibi-kaibigan; walang kumpadre-kumadrehan; walang bayad-utang na loob, at buntot mo hatak mo!” Diyan na rin papasok ang tinatawag na “SANDALAN”. Ito ang oplan ng mga tatakbo na kapos sa pondo at sasandal sa mga “madatong” na kandidato o maperang “king-makers”. Sandamukal ang mukha ng pulitika.
Kahit tapos na ang halalan at nakapuwesto na ang mga nanalo…di pa rin tayo ligtas sa kaway ng pulitika. Sa pondo at serbisyo …kung di ka kauri o ka-brigada sa partido o grupo…mahihirapang gumapang ang ano mang programa. Sumasabay pa rin sa panunungkulan ang inggitan, gamitan, gantihan at ang nakakaawang si Juan dela Cruz ay muling nasa balag ng alanganin kung masilayan ang liwanag ng kanilang pangangailangan. Sabi nga nila…kung wala kang kakilala…sa tabi ka lang at maghintay ng limos na ayuda. Huwag na sana tayong pasisilaw muli sa mga taong may matatamis na dila ngunit kabilanin kapag nakaupo na. Nasa atin ang timon ng pag unlad. Nasa atin ang pondasyon ng ating salinlahi. Ingatan ang kalayaan at karapatang ito.
Adios mi amor, ciao, mabalos!
September 21, 2024
September 21, 2024
October 5, 2024
October 5, 2024
October 5, 2024
October 5, 2024
September 29, 2024