KAYA BA NG GOBYERNONG PAGBAWALAN ANG KABATAAN SA PAGGAMIT NG SOCIAL MEDIA?

Nagpasa ang Parliamento ng Australia ng social media ban para sa mga teenager at batang wala pang 16 taong gulang, na ilalapat sa mga kumpanya kabilang angTikTok, Facebook, Snapchat, Reddit, X and Instagram. Layunin ng batas na bawasan ang “social harm” sa mga kabataang Australyano at nakatakdang magkabisa simula sa huling bahagi ng 2025. Ang mga higanteng teknolohiya ay may nakatakdang multa na hanggang A$49.6 milyon (US$32.5 milyon) kung hindi sila susunod sa mga tuntunin. Ang bagong batas ay inaprubahan noong nakaraang linggo na may suporta mula sa karamihan ng pangkalahatang publiko.

Gayunman, ang blanket ban ay nagdulot ng pagsalungat mula sa ilang child rights groups na nagbabala na maaari
nitong putulin ang pag-access sa mahahalagang suporta, lalo na para sa mga bata mula sa migrante, LGBTQIA+ at iba pang mga minoryang pinagmulan. Sinasabi ng mga kritiko na maaari rin nitong itulak ang mga bata patungo sa hindi gaanong kinokontrol na mga lugar sa internet. Ang bagong batas ay ang pinakamahigpit sa uri nito sa isang pambansang antas at dumating habang ang ibang mga bansa ay nakikipagbuno sa kung paano pinakamahusay na ayusin ang teknolohiya sa isang mabilis na sumusulong na mundo.

Ang mga datos mula sa isang survey ng Ipsos na isinagawa sa unang bahagi ng taong ito ay nagpapakita na hindi lamang mga Australyano ang sumusuporta sa ganap na pagbabawal ng social media para sa mga bata at kabataan.
Ipinakita na dalawang-katlo ng mga respondent sa buong 30 bansang na-survey ang nagsabi ng gayon din. Sa France, mas mataas na bahagi ng mga nasa hustong gulang (80 porsiyento) ang naniniwala na ang mga batang wala pang 14 taong gulang ay hindi dapat payagan ang social media sa loob o labas ng paaralan. Ang paniniwalang ito ay hindi gaanong karaniwan sa Germany (40 porsiyento), na siyang tanging bansa kung saan ang karamihan ay hindi sumusuporta sa pagbabawal.

Naiiba ang mga sentimiyento sa paggamit ng smartphone ayon sa henerasyon. Kung saan 36 porsiyento ng Gen Z ang nagsabing susuportahan nila ang pagbabawal sa mga smartphone sa mga paaralan, ang bilang ay mas mataas sa mga matatandang henerasyon (66 porsiyento ng mga Boomer, 58 porsiyento ng Gen X at 53 porsiyento ng Millenials.) Bagama’t sinasabing ang batas ay kailangan upang maprotektahan ang mga kabataan mula sa “kapinsalaan” ng social media, isang bagay na sinabi rin ng maraming grupo ng mga magulang, sinasabi naman ng mga kritiko ang mga tanong sa kung paano gagana ang pagbabawal – at ang epekto nito sa privacy at panlipunang-koneksiyon – ay hindi nasagot.

Hindi ito ang unang pagtatangka sa buong mundo na higpitan ang paggamit ng social media sa mga bata, ngunit ang pinakamababang edad na 16 ay ang pinakamataas na itinakda ng anumang bansa. Hindi katulad ng iba pang mga pagtatangka, hindi rin kasama adito ang mga exemption para sa mga aksalukuyang user o sa mga may pahintulot ng magulang. Ang mga kritiko ng batas ay nangangamba na ang pagbabawal sa mga bata sa social media ay makakaapekto sa privacy ng lahat ng mga user na dapat patunayan na sila ay mas matanda sa 16. Habang sinusuportahan ng mga pangunahing Partido ang pagbabawal, maraming child welfare at mental health advocate ang nag-aaalala tungkol sa mga hindi sinasadyang kahihinatnan.

Ang ilan ay nangangatuwiran na ang batas ay maaaring magdulot ng higit na pinsala kaysa pinipigilan nito. Naninindigan din ang mga kontra na ihihiwalay ng pagbabawal ang mga bata, aalisin sa kanila ang mga positibong aspeto ng social media, itaboy sila sa dark web. Dito sa Pilipinas ay isang mambabatas ang nagpila ng isang panukalang batas noong 2019 na layong ipagbawal sa mga batang mas mababa sa 13 taong gulang ang paggamit ng social media platforms gaya ng Facebook at Twitter sa bansa na na binigyan-diin ang “pervasive-driven digital marketing systems” sa internet. Layon din ng nasabing panukalang batas na inuutusan ang lahat ng netizen na limitahan ang paggamit sa 30 minuto lamang sa isang araw sa isang social media platform, sa lahat ng device.

Naulit ang pagpila ng kagayang panukalang batas noong 2022 subalit tila wala pang umusad na positibong aksiyon dito. Ang mahigpit at malaking hakbang na ito ng Australia ay tila isang “pagsubok” kung uubra nga na pagbawalan ang mga kabataan sa paggamit ng social media sa kabila ng maraming pagtutol. Samantala habang hinihintay natin ang kahihinatnan ng hakbang na ito ay mainam na magsimula na muna ang pagkontrol at paalala sa mga bata ang mga pamilya, bagama’t tila suntok sa buwan ito dahil ang mga Pilipino ay kabilang sa mga nangungunang pinakamabigat na gumagamit ng social media sa buong mundo na may average na 3 oras at 43 minutong ginugugol
sa social media araw-araw, mas mataas kaysa sa pandaigdigang average na 2 oras at 31 minuto at binansagang social media capital of the world.

Amianan Balita Ngayon