Kennon road, sarado pa rin sa mga motorista

Metro BLISTT

LUNGSOD NG BAGUIO – Hindi pa matiyak ng Department of Public Works and Highways (DPWH) kung kailan muling bubuksan sa mga motorista ang Kennon Road dahil mapanganib pa rin itong daanan ng publiko.

Halos dalawang buwan nang nakasara ang kalsada dahil sa sunod-sunod na pagbagsak ng mga tipak ng bato sa iba’t ibang bahagi nito. Tuluyan itong isinara noong ika-17 ng Hunyo, matapos mabagsakan ang isang sasakyan ng isang napakalaking tipak ng bato sa Camp 3 Tuba, Benguet.

Ayon kay DPWH-Cordillera Regional Information Officer Mary Jennifer G. Juezan, seryoso ang mga aksidenteng naganap noong mga nakaraang buwan sa Kennon Road kaya hindi nila ito maaaring isawalang bahala.

Aniya, nag-iisip ngayon ang ahensiya kung ano ang magandang gawin upang mapigilan ang ganitong mga pangyayari. Nabanggit niya ang paglalagay ng rock shed at rock netting ayon rin sa kanilang mga project engineer ngunit depende pa umano ito kung kakayanin ng budget ng gobyerno.

Kalakip na dahilan ng pagkasara ng Kennon Road ay ang paglalagay ng isang tulay sa Camp 5 na pansamantalang daanan ng mga residente mula sa kabilang banda ng tulay patungo sa isang banda upang makatawid. Matatandaang nasira ang tulay sa paghagupit ni Bagyong Lawin noong Oktobre 2016.

“Two cranes are already mobilized at the project site last Saturday (August 04, 2018). Assembly of steel components of the bridge started on Sunday and is still on-going. The detour bridge is closed to traffic for it is being used as an assembly area due to unavailability of viable site for assembly area”. Ito ang naging pahayag ni OIC Assistant Division Chief Arnold Dacwag, project engineer ng planning design division ng DPWH.

Ang Kennon Road ay isa sa tatlong pangunahing daanan papunta sa lungsod ng Baguio, kabilang na ang Marcos Highway at Naguilian Road.

Matatandaan na ang Kennon Road ay nais iproklama bilang National Heritage Zone sa ilalim ng House Bill 7502 na pangunahing iniakda ni Congressman Mark Go. Ang naturang panukala ay inaprubahan sa ikatlo at huling pagbasa sa Kongreso noong Mayo 2018 at kasalukuyang nasa unang pagbasa at isinangguni sa mga komite ng education, arts and culture at tourism and finance sa Senado. BREN ANTONETTE C. EMBESAN, UC Intern