Kiangan, Ifugao may bagong Police Assistance Center

KIANGAN, IFUGAO – Isang bagong-tayong Community Police Assistance Center (COMPAC) ang ipinagkaloob ng pamahalaang bayan ng bayang ito sa Philippine National Police (PNP) upang mapalakas ang kanilang kapabilidad sa pagpapanatili ng katahimikan at kaayusan sa komunidad.
Itinayo ang nasabing COMPAC sa Barangay Poblacion na nagkakahalaga ng P500,000 dahil sa pagpupursige ng pamahalaang bayan sa ilalim ni Mayor Joselito Guyguyon sa pakikipagtulungan ni Kiangan Municipal Police Station Chief Roy T. Awisan.
Nag-umpisa ang pagpapasinaya sa isang ribbon-cutting na pinangunahan ni Mayor Guyguyon, Ifugao PNP Director Constancion Chinayog Jr. at Awisan kasama sina Konsehal James Talib at Gemma Dimog. Isang maikling programa ang sumunod.
Sinabi ni Guyguyon sa kaniyang mensahe na ang COMPAC ay natapos bilang pagpapakita ng kanilang kooperasyon, suporta at pasasalamat sa mga serbisyo ng kapulisan sa bayan sa pangunguna ni Awisan.
Pinasalamatan naman ni Chinayog ang Kiangan LGU sa suporta nito sa PNP. Ang proyekto ay una sa probinsiya na pinondohan ng MLGU at umaasa siya na masusundan ito ng iba pang munisipalidad ng Ifugao. Isa ngang magsisilbing testimonya ang gusali ng malapit na pagtutulungan ng pulis, komunidad at MLGU ng Kiangan.
Nagpasalamat naman si Awisan kay Mayor Guyguyon sa pagtugon sa kaniyang kahilingan na makapagtayo ng gusali para sa pulis at umaasa sa patuloy na kooperasyon, suporta at pakikipagtulungan upang magampanan nila ang kanilang tungkulin sa pagprotekta at serbisyo sa tao na handa nilang gawin 24 oras araw-araw.
Isang katutubong ritwal na “Hogop” (pagpasok sa gusali) ang isinagawa sa bandang hapon ng isang Ifugao “Mumbaki” (katutubong pari) na kung saan itim na baboy ang kinatay at inialay sa mga Diyos sa patuloy na gabay. ABN

Amianan Balita Ngayon