Kinder 1 pupil nabundol, sugatan

Nasagasaan ang isang Kinder 1 pupil bandang 3:40pm ng Oktubre 24, 2018 sa kahabaan ng North Sto. Tomas Road, Baguio City.
Kinilala ang biktimang bata na si Warren Senosin Barrientos, 5 anyos, Kinder 1 pupil ng Roxas Elementary School at residente ng Old Sto. Tomas Bakakeng Central, Baguio City habang ang drayber na nakasagasa ay kinilalang si Joselito Cespedes Rosario, 47 anyos, family driver at residente ng PNB Village, Marcos Highway, Baguio City.
Sa imbestigasyon, tinatahak ng Isuzu MUX na may plakang DUC7377 at minamaneho ni Rosario, ang pababang kalsada patungong Ben Palispis Highway at habang mabagal ang pagsulong, aksidente nitong nasagasaan ang biktima na biglang tumawid sa nasabing kalsada.
Nagtamo ang biktima ng sugat sa kaniyang kaliwang binti kaya agad na dinala ng drayber ang biktima sa BGHMC para sa agarang lunas.
Kinumpiska ng mga rumespondeng traffic investigators ang driver’s license ng sangkot na drayber para sa ebidensiya at binigyan ng citation ticket na magsisilbing temporary driver’s license upang makapagmaneho sa lungsod ng Baguio.

Amianan Balita Ngayon