K’ki dance challenge, bawal!

Por bida gid mga kabayan, kung ano-ano na ang kumukuliling sa utak ng ilan nating kababayan. Sukat ba namang may bagong usong patok (kuno) ngayon – KIKI dance challenge o ang “In My Feelings Challenge”! Grabeng ngitngit at halos lumaylay ang dila ng mga moralista sa estilo ng patok na Kiki Dance Challenge na yan. Sabi nila – ang laswa lalo pa’t meron pang sumayaw sa kalsada na naka-tangga na akala mo’y dancer sa club na kulang na lamang na kabayuhan ang pintuan ng kanyang umaandar na sasakyan.  Siyempre, sa panig naman ng mga manyakis, este, mahilig sa porma at bagong uso, ayos lang sa kanila. Total daw naunang nauso na ito sa abroad at gumagaya lang tayo. Pero teka, bago kayo mahigh-blood, relax muna tayo at mangaliskis sa isyu.

*********

Bumulaga kamakailan  sa lansangan ang mga babae’t lalaki na maharot na nagsasayaw habang umaandar ang kanyang sasakyan. Natural, bumaba siya sa kanyang car, di ba? Natural ding marami ang maaantala dahil magdudulot yan ng trapik.  Ang panis pa dito kung ano-anong kaharutan ang ginagawa at napakalaswang tingnan. Buti na lamang at hindi ito nakaligtas sa mata ng mga concerned government agencies gaya ng DOTr. Ayon sa naturang ahensiya, iba’t ibang traffic violations ang kahaharapin ng mga mahuhuling gagawa ng “In My Feelings Challenge” sa mga lansangan. Ayon sa Department of Transportation, sinumang susubok sa naturang challenge sa kalsada ay maaaring makasuhan ng reckless driving, mabawian ng lisensiya at maharap sa paglabag sa Anti-Distracted Driving Act na may karampatang multa na P5,000 hanggang P15,000. Daplis nga ng mga moralista: gumiling ka na lang sa ibang lugar at huwag naman sa daan na marami ang maapektuhan.

**********

Buti na lamang at tepok ang lolo ko, eh. Kung hindi baka binato na niya ng inidoro ang mga hinayupak ng kakuwanan na mga yan. Ba’y mantakin mong kung isa kang driver ng sasakyan at concentrated ka sa manibela at bigla kang matabihan ng isang gumigiling na babae na nakatangga pa at nang-aakit ang kasuotan, baka bigla kang mabangga, di ba? Maaari ding maatake ka dahil sa gulat na biglang may gumiling sa iyong harapan at pagkatapos ay babalik sa kanyang sasakyan saka uusad. Sabi nga ng DOTr na bawal na bawal ang pagsasayaw sa kalsada ng isang tao mula sa umaandar na sasakyan lalo pa kung ikaw ang driver. Siyempre kapag ang mga yan ang hinuli at tanungin bakit nila ito ginagawa tiyak ang sagot ay “nakikiuso lang sila”. Kaya dapat gamitan ito ng kamay na bakal ng ahensiyang magpapatupad ng batas kontra  sa Kiki Dance Challenge. Kasi ubod sa malaswa na nga ito, malaswa din ang ipinangalan o itinawag sa naturang challenge, di ba? Sabi nga ng iba, dapat mas mataas pa sana ang multa upang maiwasan ang disgrasya sa lansangan. Napapanahon ang tapik ng DOTr sa publiko na tiyaking hindi magdudulot ng sakuna o perwisyo  sa kalsada sakaling gusto nilang makiuso! Bulong: ano kaya’t mangyayari din sa Pilipinas ang nangyari sa matrapik na distrito ng Russia kung saan mismong sa loob ng isang nakahintong sasakyan  ay ginawang motel ng isang magsing-irog. Doon na nagtalik at pinanood naman ng mga natrapik na drivers. Sus maryusep. Huwag naman. Malaking eskandalo na yan. Haayy buhay, ilagay naman sa lugar ang inyong kahayukan,  pwe! Adios mi amor, ciao, mabalos!

Amianan Balita Ngayon