Konsehal binaril ang isang magsasaka sa Abra,Linggo ng Palaspas

LA TRINIDAD, BENGUET – Isang konsehal ng bayan ang bumaril sa isang magsasaka sa barangay Tumalip sa Licuan-Baay, Abra umaga ng Linggo ng Palaspas.
Itinakbo ang magsasakang si Rodolfo Torres, 77, sa Dr. Petronilo Seares Memorial Hospital, Zone 3 sa Bangued, Abra, matapos siyang barilin ng isang miyembro ng sangguniang bayan na si Periam Jaquias Tadeo, 66, dahil sa isang mainit na pagtatalo sa asawa ng biktima.
Sinabi ni Louisa Tadeo Torres, asawa ng biktima, na pumunta siya sa Barangay Plaza upang maglinis at nakita si Helen Sopriano na naglilinis din.
Tinanong ni Torres si Sopriano kung bakit hindi niya winalisan ang kanilang bakuran subalit sumagot si Sopriano na inutusan siya ni SBM Tadeo na huwag linisin ang nasabing lugar. Pagkatapos ay pumunta si Sopriano sa bahay ni konsehal Tadeo.
Ilang saglit lang ay lumabas si Tadeo at sumisigaw at pinagbantaan si Torres na papatayin siya at biglang sinampal sa mukha si Torres.
Nakita ni Rodolfo Torres ang nangyari sa kaniyang asawa na nag-udyok sa kaniyang lapitan ang konsehal na may hawak na itak, subalit binaril siya ng konsehal sa kaliwang bahagi ng dibdib.
Nakita ng mga imbestigador ang isang fired cartridge case na pinapaniwalaang mula sa isang kalibre .38 pistol sa pinangyarihan ng insidente.
Ayon sa pulis ay hindi na makita ang suspek sa lugar at pinapaniwalaang umalis na ito at nagtungo sa Bangued.

Amianan Balita Ngayon