Kontra dengue – Dengvaxia uli, wala na bang iba?

Editorial

Naaalarma na ang mga awtoridad sa kalusugan dahil sa mataas na mga kaso ng dengue sa bansa ngayon. Ayon sa Department of Health (DOH) nakapagtala ang bansa ng 64,797 mga kaso ng dengue mula Enero 1 hanggang Hunyo 25, 2022 ay may 90% pagtaas kumpara sa mga kasong naiulat sa parehong panahon ng nakaraang taon na 34,074. Sinabi na DOH na 274 ang namatay ngayong taon dahil sa dengue na naitalang 0.4% case fatality rate.

Sa bilang nga mga namatay, 36 ang naitala noong Enero, 39 noong Marso, 46 noong Abril, 63 noong Mayo at 58 nitong Hunyo kung saan kapansin-pansin na 21,115 kaso ng dengue ang naitala mula Mayo 29 hanggang Hunyo 25, 2022 pa lamang.

Dahil sa tumataas na mga kaso ng dengue sa bansa ay sinabi ni Dr. Rontgene Solante, isang eksperto sa infectious disease na panahon na upang muling repasuhin at ikonsidera ng gobyerno ang datos hinggil sa bakuna sa dengue na Dengvaxia. Sa Pilipinas kung saan totoong napakataas ang dengue ay wala pang ganitong uri ng preventive measures hindi gaya sa ibang karatig bansa gaya ng Singapore, Thailand, Indonesia at Malaysia na may lisensiya ang Dengvaxia at ayon kay Garin ay ginaganit pa ng 23 mga bansa.

Ganito rin ang naging panawagan ni dating Health Secretary na ngayon ay Kongresista na ng Iloilo na sinabing kailangan na daw payagan ang mga pasyente at mga doctor na makabili ng bakunang Dengvaxia dahil sa pagtaas ng mga kaso ng dengue. Kailangan din daw ikonsidera ng gobyerno ang desisyon nito na bawiin ang certificate of product registration o CPR, (ang CPR ay lisensiya ng mga gumagawa ng bakuna na komersiyal na maibenta ang kanilang produkto sa bansa), subalit niliwanag niya na hindi naman niya sinasabing kailangan bumili ang gobyerno kundi ang mga magulang na kayang bumili nito at nais na maprotektahan ang kanilang mga anak ay dapat bigyan ng mapagpipilian na bilhin ito. Sinabi ni Garin na binalewala ng Pilipinas ang Dengvaxia na inilista ito ng World Health Organization sa ilalim ng Essential Medicines List (EML) kung saan inuutusan ng mga gobyerno na gawin ang mga nasa ilalim ng EML na maging handa sa mga mamamayan nito sa lahat ng panahon.

Gumastos ang Department of Health sa pamamagitan ng PCMC ng PhP3 bilyon para sa malawakang pagbabakuna ng mga batang mag-aaral noong 2016 kontra dengue gamit ang Dengvaxia. Nagsimula ang kontrobersiya nang ipahayag ng Sanofi na siyang manufacturer noong 2017 na nagiging seryosong banta ang Dengvaxia sa kalusugan ng mga nabakunahan nito at walang nakaraang impeksiyon ng dengue.

Ang naging pahayag ng Sanofi ay isinagawa matapos turukan ang mahigit 800,000 mga bata gayundin ang ilang matatanda at mga pulis sa panahon na kalihim si Garin sa ilalim ng administrasyong Aquino.

Ibinalik ng Sanofi sa DOH ang PhP 1.16 bilyon para sa hindi nagamit na mga dose ng Dengvaxia. Sinabi ni Garin na ang pagpapawalang-bisa sa CPR ng Dengvaxia noong 2019 ay hindi dahil sa mga isyu ng kaligtasan kundi administrative requirement lamang dahil sa kinakailangan pang pumasa ang bakuna sa Phase 4 ng clinical trials.

Noong Marso ng taong ito ay ay nahaharap sina Health Secretary Francisco Duque at kaniyang pinalitan na si Janette Garin at 37 ibang pang personalidad sa isang criminal at civil na reklamo hinggil sa pagkamatay ng isang 15 taong gulang na lalake na umano’y dahil sa mga komplikasyon sanhi ng kontrobersiyal na bakunang kontra dengue na Dengvaxia.

Wala pang gamot para sa dengue kaya ang tanging proteksiyon lamang na isinusulong ay ang bakuna. Sumasabay ngayon ang mga kaso ng dengue sa mga kaso ng Covid-19 na hanggang ngayon ay patuloy na pangamba at banta sa lahat.

Sa gitna ng mga kontrobersiya sa bakunang Dengvaxia na minsa’y nagdulot na pagdududa at pangamba sa mga magulang at mga bata ay muling hinihiling na bigyan ito ng pagkakataon na magamit kontra sa dengue.

Sa mga panahong kritikal at sobrang kailangan na ang nararapat at tanging kalasag natin sa sakit ay huwag naman na sanang pairalin ng ilang mga opisyal ang masyadong kahigpitan sa mga patakaran at tuntunin habang isinaalang-alang din ang kaligtasan ng mga tao.

May matandang kasabihan nga tayo na “aanhin mo pang damo kapag patay na ang kabayo” – baka tayo’y matulad dahil sa patumpiktumpik na galaw na tila inuuna pa ang pansariling interes kaysa mga dapat pagsilbihan.