Korte sa Baguio, hinarang ang pag-upo ng katutubo sa konseho

LUNGSOD NG BAGUIO – Muling naantala ang pag-upo ni Roger Sinot bilang kinatawan ng mga katutubo sa konseho ng Baguio City nang harangin ito ng korte kamakailan lamang.
Si Sinot ang siyang kinatawan diumano ng Indigenous Peoples Mandatory Representative (IPMR) na uupo sa konseho ng Baguio bilang kinatawan ng mga katutubo upang mabigyan ng pansin ang mga pangangailangan ng mga ito lalo na sa usaping pangkabuhayan at karapatan sa lungsod.
Ang pag-upo ni Sinot ay naudlot dahil nagbaba ng isang kautusan ang Regional Trial Court Branch 6 na kinatawan ni Presiding Judge Cecilia Corazon Dulay-Archog na pumipigil upang maupo sa konseho si Sinot na kung saan ay isinasaad sa anim na pahinang kautusan ng korte na pigilan ang lungsod ng Baguio na paupuin si Sinot bilang kinatawan ng Indigenous People.
Ayon sa korte, “The ruling believed the petitioners in civil case number 8783-R have shown their right to petition against Sinot Sr. while Archog also sided with Baguio City Government in civil case number 8785-R which she said,  has shown clear and convincing evidence to support the issuance of the Writ of Preliminary injunction. “There was showing that there was an invasion of their rights sought to be protected by the injunctive right, otherwise immediate irreparable damage will be committed.”
Bukod sa korte, may isang grupo rin ang humarang at nagpetisyon  na pinangunahan nina Manuel Cuilang ng Ibaloi tribe, Paul Pasigon at  Joseph Sacley ng  Kankanaey tribe at  Gaspar Cayat ng Kalanguya tribe ang pagupo ni Sinot bilang kinatawan ng IPMR. Sinasabi nila na hindi tama at hindi makatarungan ang pagpili ng NCIP kay Sinot dahil hindi ito dumaan sa tamang proseso mula sa iba’t ibang tribu sa lungsod. Ang iba’t ibang grupo ng tribu ay naglagak din ng “disqualification” laban kay Sinot.
Matatandaan na noong nakaraang buwan ay nanumpa si Sinot sa tanggapan ni Baguio Councilor Faustino Olowan matapos makakuha ng certification si Sinot sa tanggapan ng National Commission on Indigenous People sa central office.
Ipinahayag naman ni Sinot na lalabanan niya ang nasabing TRO sa pamamagitan ng kanyang isasampang “motion for reconsideration” sa korte. A. ALEGRE / ABN

Amianan Balita Ngayon