Kredibilidad – bago ang bakuran, bahay muna ang linisin

Ang Commission on Elections (COMELEC) o Komisyon sa Halalan ay isa sa tatlong constitutional commission ng Pilipinas, ang pangunahing papel nito ay ipatupad ang mga batas at regulasyon na may kaugnayan sa pagsasagawa ng mga halalan sa Pilipinas – isang
makapangyarihang ahensiya sa ilalim ng Artikilo IX-C, Seksyon 2 ng 1987 Konstitusyon ng Pilipinas na hindi basta-basta mabubuwag.
Sa kapangyarihang ito ay maituturing na isa ang Comelec sa mga moog at institusyon ng demokrasya at pinapaniwalaang bantay at tagapagtanggol ng mga proseso sa ilalim ng isang demokratikong bansa na tagasulong at magpapanatili na isang pangunahin at napakahalagang karapatan ng isang mamamayang Pilipino – ang karapatang bumoto at makaboto ng buong laya.
Mataas ang pagtingin at tiwala ng tao sa Comelec dahil inaasahan ding mataas ang uri ng reputasyon, kredibilidad, kakayahan, pagkatao at katapatan ng mga mamumuno dito.
Maraming makasaysayang pagkakataon ang dinaanan ng Comelec mula nang maging independenteng komisyon ito noong 1940.
Nagresolba ng mga kontrobersiyal na kaso sa halalan, nagluklok ng mga namunong lider sa politika na tumatak ang mga pangalan.
Subalit sa kabila ng pagpapanatili ng Comelec na maging malinis ang opisina nito ay hindi nakaligtas ang komisyon sa mga kontrobersiya at maiinit na usapin na mismong mga namumuno dito ang nasangkot.
Noong 2004 kung saan si Benjamin Abalos ang Chairman ng Comelec ay inaprubahan ng komisyon ang P1.3 bilyon kontrata ng Mega Pacific Consortium para sa pagbili ng automated counting machines ngunit idineklara ng Korte Suprema na walang bisa dahil “clear violation of law and jurisprudence” at “reckless disregard of COMELEC’s own bidding rules and procedure.”
Ang ZTE broadband contract na kinasangkutan pa rin ni Comelec Chairman Benjamin Abalos noong 2007 kung saan inakusahan ng mga mambabatas si Abalos na naging tulay at “nangomisyon” sa US$329 million contract sa broadband project ng ZTE Corp. ng China.
Gayundin ang kaniyang pagiging tulay sa National Broadband Network project na diumano’y sinuhulan si Jose de Venecia III ng US$10 milyon upang umatras sa NBN project?
Ang “hello Garci scandal” ang tuluyang nagbigay ng mantsa sa kredibilidad ng Comelec dahil lumabas dito ang tahasang pakikialam ng mga opisyal ng Comelec sa magiging resulta ng
halalan noong 2004.
Umalingawngaw ang usapan sa telepono nina dating Pangulo at ngayo’y House Speaker Gloria Macapagal Arroyo at dating Comelec Commissioner Virgilio Garcillano.
Anim na buwan bago ang pambansang halalan noong Mayo 9, 2106, ang website ng Comelec ay ay na-hack ng isang grupong Anonymous Philippines gabi ng Marso 27, 2016.
Hiniling ng Anonymous Philippines sa Comelec na magpatupad ng seguridad sa Precinct Optical Scanners (PCOS)-automated voting machines.
Isa pang grupo na LulzSec Pilipinas ay inaming hinack ang website ng Comelec at nagpost sa database nito sa kanilang Facebook account matapos ikompromiso ng Anonymous Philippines ang website ng Comelec.
Ang privacy attacks na ito ay naglagay sa hayag ang mga datos ng botante at ang sensitibong mga imporasyon gaya ng buong pangalan, kumpletong address at passport number ng nasa 55-
57 milyon Pilipino na rehistradong botante ay nabunyag sa publiko sa isang website na wehaveyourdata na diumano’y likha ng LulzSec Philippines.
Ang insidenteng ito ang pinakamalaking private leak data sa kasaysayan ng Pilipinas na naglalagay sa 55-57 milyon rehistradong botante sa panganib.
Ang 2016 National Elections ay nabahiran din ng kontrobersiya sa akusasyon laban kay Comelec Chairman Andres Bautista na may “hindi maipaliwanag na kayamanan” at “nangomisyon” din sa Smartmatic – ang election technology supplier na naglagay sa kuwestionableng kredibilidad ng resulta ng 2016 elections (matatandaan ang itinagong mga ballot boxes sa Novotel sa Cubao,
kung saan doon din ang campaign headquarters ng LP noon?).
At lumabas na nga ang kontrobersiya sa pagkapanalo nina Vice-President Leni Robredo at Senator Leila de Lima na kapuwa iprinotesta nina Bongbong Marcos at Francis Tolentino.
Isiniwalat ni Atty. Glen Chong ang dayaan sa halalan kung saan isang araw bago ang mismong halalan noong Mayo 2106 ay may mga transmission na ng boto na lumao’y pumabor kay Robredo at de Lima.
Ngayong 2019 mid-term elections ay nababahiran na naman ng pagdududa sa kredibilidad nito dahil sa naglalabasang balita na may prepaid results na ang halalan.
Mula PhP50 milyon, PhP20 milyon, PhP10 milyon, PhP5 milyon at daang libo, depende sa posisyon na tatakbuhan mo at ang nakakatuwa pa ay may installment basis pa ang bayaran.
Sa kamakailang idinaos na absentee voting ng mga OFW ay naglabasan din ang mga problema at pagkakamali sa mga VCM. Iba ang ibinoto, ibang pangalan ang lumabas sa resibo.
Ang mga lalagyan ng mga balota ay mga plastic, at may mga botong hindi tinanggap dahil over-voting daw.
At ngayon ay may double registration error ang Comelec sa “Certified List of Overseas Voters” sa Japan. Sumunod ang pag-recall ng mga “marking pens”.
Ngayon ay sinasabi ng Comelec na handa na sila sa Mayo 13, 2019. Tama, naghanda na nga sila sa malinis, tapat at mapayapang halalan, ngunit ang tanong ay naihanda rin ba nila ang sarili nilang opisina (mga opisyal) para hindi pagdudahan ang kredibilidad nito? Nilinis mo nga ang bakuran mo, subalit puno naman ng agiw ang mismong bahay mo.
 
PMCJr.

Amianan Balita Ngayon