Kulay-pulitika..rumatsada na! Naglabasan na muli ang iba’t-ibang kulay at kahulugan sa sambayanan. Subukan nating kaliskisan mga pards baka sakaling makatulong tayo na baybayin para sa masa: Maraming promInenteng
mga kulay ang laging naglalabasan o “bibida” sa tuwing may halalan. Una rito ang kulay-pula. Sabi nila..ito raw ay senyales ng palaban, pakikibaka, hindi umaatras, mapusok, kumakasa, walang atrasan at marami pang iba. Sabi
pa ng ilang analyst: ang kulay pula daw sa pulitika ay “madugong kalakaran”.
Sabi naman ng iba, ito raw ay “paghinto” kung kulay-trapiko ang usapan. Iisang kulay pa lang ang ating tinutukoy pero sa dami ng mga kulay na sumasabit sa pulitika…masasabi na nating ito ay “TEKNIKOLOR”. Lagpas pa sa pitong kulay ng “rainbow” o “bahaghari”. In short…masalimuot talaga ang larangang ito ng ating buhay. Mula kasi sa simula ng kampanyahan hanggang sa matapos na ang eleksiyon…may banatan dahil sa kulay-pulitikang ito. Ibig
sabihin, hindi na ito matatanggal bilang “buto’t balat” ng ating buhay.
Sa praktikal na paghahalimbawa…parang pulitika raw ang nagpapagalaw sa bawa’t lipunan. “Political will” ang kailangan upang magtagumpay ang isang adhika! Pumapangalawang nagagasgas na kulay tuwing eleksiyon ay ang kulay-asul o “bughaw”. Di man daw ito nagpapakita ng kapusukan nguni’t matatag daw ito na senyales ng pagkakaisa at paninidigan. Di man daw ito sing-pusok ng pula…panimpla daw ito para sa tamang ratsada sa bawa’t programang ilalatag. Naituturing din daw na tahimik nguni’t mapanganib ang isinisimbolo ng kulay bughaw na nangangailangan ng tamang panimbang at pagkilatis para matarok ang kanyang katuturan.
Sabi nga nila, ang bughaw na kulay ng ilog ay nagbabadya ng lalim na may kasamang banta ng masamang
kasasadlakan. Sabi naman ng mga matatanda: malalim man daw ang bughaw na ilog, sa tapang at masidhing
paninidigan…masasalamin mo ang mga katotohanan sa iyong kapaligiran. Kabaliktaran ito ng kasabihang “ang maingay na tubig ay mababaw. Kung sa tunay na kulay ng nilalang…mahirap matarok ang kanyang katauhan.
Pumapaibabaw namang kulay ang “puti” na nagsisilbing timbangan sa bigat ng pula at bughaw upang maiwasan ang lamat sa pagitan dalawang kulay na ito.
Kalinisan daw ang hangarin o malinis na paninilbihan ang sumisimbolo sa kulay na ito sa pulitika. Walang batik o dumi na sasamahan pa ng kulay dilaw na siyang lalong magpapatingkad sa serbisyo publikong inilalaan. Kaso, may
mga paningin na madali raw magkamantsa ang puti at dilaw na madaling makita. Ngunit sa likud nito, naroon ang
pagkabusilak ng malinis na hangaring makapaglingkud. At kung pagsamasamahin natin ang mga nabanggit na nating mga kulay (pula, bughaw,puti at dilaw)…ito ay sumisimbolo ng matatag nating lahi…ang lahing-Pinoy na kahit “aba” o “maliit”…ito ang “lahing nakakapuwing”.
Ito ang lahing hindi umaatras kundi laging pasulong sa ano mang uri ng pagsubok. Yan daw ang kalidad at kulay ng pultika ng ating bansa. Balitaktakan, banatan, siraan, kampihan, lamangan, kutsabahan, onsehan, takipan at samut-sari pang “kakuwanan” . Na ang nakakatuwa , sa likud ng mga tinik at dungis nito…nagiging aliwalas naman na kapag tapos na ang eleksiyon. Ang mga magkakatunggali ay muling nagyayakapan at nagkakamayan para sa iisang
adhikain – ang kaunlaran. Sama-samang magbubunyi , wagi man o talunan at sasabihing tagumpay ang eleksiyon sa likud pa ng ano mang naging bahid nito sa kalakaran. Sa ngalan ng espasyong ito…iisa lang ang aming daplis: saan ka mang kulay nakapuwesto… BOTO MO…ALAGAAN MO! Adios mi amor, ciao, mabalos!
March 8, 2025
March 8, 2025
March 15, 2025
March 15, 2025
March 15, 2025
March 15, 2025