Kung ang World Bank ay nagkakamali, ano pa kaya ang ilang international groups?

Noong Hulyo 1 ay naglabas ang ilang pambansang pahayagan ng mga istorya ukol sa isang World Bank Report sa mahinang pagganap (poor performance) ng mga Pilipinong magaaral sa tatlong international assessments na sinalihan ng Pilipinas noong 2018 at 2019.
Sa kontrobersiyal na report ng World Bank na maagang nailathala at may pamagat na “Improving Student Learning Outcomes and Well Being in the Philippines: What Are International Assessments Telling Us? (Vol.2): Synthesis Report Presentation” ay sinasabing 80 porsiyento ng mga Pilipinong mag-aaral ay mahina sa kanilang pag-aaral “hindi alam kung ano ang dapat nilang malaman,” at mahina ang kakayahan sa matemetika at pagbasa. Gumamit ang WB ng diwastong datos at hindi ipinagbigay alam sa gobyerno ang hinggil sa paglabas ng report na isa raw labag sa mga protocol ayon sa DepEd.
Ayon kay Education Secretary Leonor Briones, ang report ay “lipas na at nakakainsulto” sa sitwasyon ng edukasyon ng bansa at ang pagkabigong konsultahin ang DepEd ay nagpapakita lamang ng kakulangan ng propesyonalismo, kaya kinakailangan na tanggalin at maglabas ng pampublikong paumanhin ang World Bank.
Sa pahayag ni Secretary Briones ay kasama sa mga international assessments ay ang Programme for International Student Assessment o PISA, na ang resulta nito ay inilathala noong 2019 pa.
Simula noon ay nagsagawa na ang DepEd ng mga reporma na malakas na sinusuportahan at pinopondohan ng gobyerno, local partners, mga bansang partners at multilaterals. Isang loan agreement para sa isang malaking programa upang tugunan ang pagpapahusay ng kakayahan ng mga guro (Teacher Effectiveness and Competencies Enhancement Project o TEACEP) ay kasalukuyang nasa negosasyon mismo sa World Bank ($110M loan para sa pagpapahusay ng kakayahan ng mga guro at $100M pagpapalakas sa Alternative Learning System).
Ang mga pagbabagong ito ay hindi man lang nabanggit sa ulat. Inamin ng World Bank ang isang pagkakamali: ang paglabas ng lumang datos sa 2019 PISA scores sa publiko na hindi ipinagbigay alam sa DepEd.
Dahil dito, ang DepEd at gobyerno ng Pilipinas ay naging tampulan ng pagpuna at kritisismo ng publiko, kahit pa hindi ito sinasadya, nagdulot ng pinsala ang World Bank sa DepEd at sa gobyerno.
Ang ikalawa at mas mahalagang mali na idinulot ng WB sa DepEd ay ang pagtanggal nito sa mga inisyatibo na isinasagawa bago pa lumabas ang mga resulta ng PISA, at mas lalo pang pinapanday batay sa pagsusuri sa mga resulta ng PISA at ng iba pang international assessments.
Ang mga inisyatibong ito ay hindi lamang kalahok ang gobyerno kundi maging mga maykinalamang mga miyembro ng national at international community, kabilang ang World Bank.
Bukod sa pakikilahok ng mga ahensiya ng pambansang gobyerno liban pa sa DepEd ay tumutulong din ang Department of Finance, local, national at bilateral partners.
Kulang din daw ang report sa kontekstong historikal. Ang kalidad ng edukasyon, sa lahat ng antas, ay isang produkto ng isang prosesong makasaysayan.
Ang World Bank mismo ay isang partido sa makasaysayang ebolusyon, na isang nagpapautang para sa malalaking repormang programa, gaya ng USD100 million Program for Decentralized Educational Development (PRODED) mula 1981 hanggang 1986, ang USD113 million Third Elementary Education Project (TEEDP) mula 1997 hanggang 2006, ang USD200 million National Program Support for Basic Education (NPSBE) mula 2006 hanggang 2011, at kamakailan lamang, ang USD300 million Learning Equity and Accountability Program Support (LEAPS) mula 2014 hanggang 2018.
Sa isang pagsulyap sa kasalukuyang sitwasyon na walang kontekstong historikal ay madaling magbigay ng impresyon na ang kasalukuyang administrasyon ang siyang sisisihin, at ang hindi pagbanggit sa kasalukuyang mga inisyatibo ay mas lalo pang magbibigay ng impresyon na walang ginagawa ang kagawaran at gobyerno ukol sa bagay na ito.
Ang pagsali sa mga international assessments ay kritikal sa pag-intindi sa kung ano ang dapat tugunan. Mismong inamin ng World Bank sa ulat nito na ang kamakailang partisipasyon ng Pilipinas sa three cross-national large-scale assessments ay naglalahad ng isang malaking oportunidad na maintindihan ang kalagayan ng basic education at gabayan ang bansa sa pagtataguyod ng mahahalagang reporma upang mapahusay ang Sistema ng edukasyon.
Ang mga resulta ng mga assessment na ito ay nakahanda para sa lahat upang mapag-aralan at suriin. Ngunit para sa mga nagpapakilalang tunay at totoong kasama ng DepEd at gobyerno sa reporma sa edukasyon, sana ay maging patas ang mga ganitong pag-aaral.
Batid ng publiko na ang mga gobyerno ng mga miyembrong bansa at nagmamay-ari at pinamamahalaan ang World Bank. Ang trabaho ng WB ay pagsilbihan ang interes sa pag-unlad ng mga miyembro nito at hindi magdulot ng pinsala.
Kung ang napakalaki at makapangyarihang World Bank ay nagkakamali sa trabaho nito (sadya man o hindi) at nalulusutan ng mga maling datos, gaano pa kaya ang ibang mga international groups na nagpapakilalang nagsusulong ng interes ng mga tao at bansa?
Hindi rin kaya sila nalulusutan ng mali-mali, kulang-kulang o kaya’y malisyosong mga datos upang mapulaan at siraan ang isang bansa o isang partikular na lider ng isang bansa sa paningin ng buong mundo para sa pansariling interes lamang ng mga ilan?

Amianan Balita Ngayon