“Kung gayon ibigay ang kay Cesar ang kay Cesar at sa Diyos kung ano ang sa Diyos”

Editorial

Sa kasagsagan ng unang pagbabakuna sa mga health workers at frontliners na sila ang una sa priority list ng Vaccination Program ng gobyerno sa Lungsod ng Baguio ay lumabas ang isang balita na umano’y nagkaroon ng “pagtalon” sa pagbabakuna ng ilang opisyal ng Saint Louis University (SLU) kabilang ang presidente nito. Ayon sa ulat ang anim na opisyal kabilang ang presidente ng SLU ay nagpabakuna na, mas nauna pa sila kaysa mga nasa priority list.

Bagamat walang opisyal na kumpirmasyon mula sa mga opisyal ay inamin ng SLU Parish Priest sa kaniyang pangunguna sa isang misa noong Marso 9 na mismong siya ay nabakunahan na sa kaniyang unang dose ng bakunang Sinovac. Sa kaniyang pag-amin sa harap ng mga nagsimba ay tila pinawi pa niya ang maling akala tungkol sa masamang epekto ng bakuna na sinabing “naiintindihan nyo naman ako noh?” na panawagan niya, marahil ipinapalagay niyang “ hindi totoo yung kapag naturukan ka na ng Sinovac, magiging Chinese or Mandarin ang pananalita mo.”

Inamin din ng pari at opisyal ng SLU sa mga nagsimba na nagpabakuna siya upang makumbinsi ang mananampalataya na magpabakuna rin at hinihintay na lamang niya ang 28 araw pa para sa kaniyang ikalawang dose ng bakuna. Kinumpirma din ng mga SLU hospital at SLU clinic staffs na nabakunahan na bilang nasa priority sectors na tatanggap ng bakuna ang ukol sa mas naunang pagbabakuna ng kanilang mga opisyal.

Dahil sa ulat ay maglulunsad daw si Mayor Benjamin Magalong ng isang imbestigasyon na sisimulan daw noong Abril 1 hinggil sa napaulat na insidente sa kabila ng kamakailang inilabas na memorandum ng Department of Health na nililiwanag ang parayoritisasyon ng mga mababakunahan. Ayon kay Dr. Ruby Constantino, DOH-Cordillera regional director na “kung may taong wala sa priority list ang nabakunahan, isang report ang kailangang isumite upang maberipika nila ang ulat at ipagbigay-alam sa kinauukulang local government unit na magpaliwanag at bigyan katuwiran ang insidente.”

Mahigpit daw na sinusunod ng DOH ang priority list (health workers), lalo na para sa Astrazeneca dahil kailangang strikto silang sumunod sa kasunduang linagdaan sa COVAX at anumang “pagtalon sa linya” ay makakaapekto sa alokasyon ng bakuna mula sa COVAX facility. Ipinaliwanang pa ng DOH-CAR director na “ang mga opisyal ng administrasyon ng ospital lamang ang kuwalipikadong mabakunahan (muna) bilang bahagi ng operasyon ng ospital.

Ang relihiyon at pamahalaan ay parang mag-asawa na kung minsan ay nahihirapang magsama sa ilalim ng iisang bubong ngunit hindi mabubuhay nang magkahiwalay. Ang relihiyon at pamahalaan ay kapwa nangangailangan ng kalayaan para umunlad, ngunit ayon sa kasaysayan ay hindi makabubuting magkahiwalay ang mga ito. Magkaiba ngunit magkaagapay ang landas na tinatahak ng mga ito. Lubhang matagumpay at epektibo ang mga ito kapag pinoprotektahan at itinataguyod ng mga ito ang isa’t isa.

Mahalaga ang papel ng pamahalaan sa pagprotekta at pag-iingat sa kalayaan sa relihiyon at sa pagkandili sa papel ng mga simbahan sa lipunan. Habang ipinatutupad ng mga pamahalaan ang batas na nakasulat sa mga aklat, itinuturo at hinihikayat ng relihiyon ang pagsunod sa batas na nakasulat sa puso. Ang mga sumusunod sa huli kung sakali man ay bihirang lalabagin ang una.

Tulad ng mababasa natin sa Doktrina at mga Tipan, “Siya na sumusunod sa mga batasng Diyos ay hindi kailangang lumabag sa mga batas ng lupain”. Ngunit kapag binalewala ng lipunan ang mga bagay na espirituwal, ang legal na batas at ang legal na sistema kalaunan ay hindi na magiging epektibo. Ang paggalang sa lipunan ay nakakamtan kapag mabuti ang asal ng karamihan sa mga tao dahil naniniwala sila na iyon ang dapat nilang gawin, hindi dahil sa pinipilit sila ng batas o ng pulisya.

Ang pamahalaan ang bahala sa pag-uugali ng mga mamamayan nito. Hinihikayat nitong kumilos sila sa disente at moral na paraan. Sa kabilang banda, hinihikayat ng relihiyon na hangarin nilang kumilos sa disente at moral na paraan. Sa paglipas ng panahon lahat ng malayang pamahalaan ay kailangang umasa sa huli sa kusang-loob na kabutihan at suporta ng kanilang mga mamamayan.

Tulad ng sabi ng bantog na statesman at political philosopher na si Edmund Burke, “Inorden sa walang-hanggang konstitusyon ng mga bagay-bagay, na ang mga taong hindi makapagpigil sa sarili ay hindi maaaring maging malaya. Ang mga silakbo ng kanilang damdamin ang pumipigil sa kanila.” Dahil diyan, pinoprotektahan ng mabuting pamahalaan ang relihiyon at tinatangkilik ang kalayaan sa relihiyon. At hinihikayat ng mabuting relihiyon ang pagiging mabuting mamamayan at pagsunod sa batas ng lupain.

Mahalaga ang impluwensiya ng paniniwala sa relihiyon dahil nabibigkis ang ating lipunan hindi lamang ng batas at ng pagpapatupad nito kundi lalong-lalo na ng mga taong kusang-loob na sumusunod sa mga batas na hindi maipatupad dahil sa nakalakihan nilang mga pamantayan ng mabuti o wastong pag-uugali. Ang paniniwala sa relihiyon tungkol sa tama at mali ay isang mahalagang impluwensiyang lilikha ng gayong kusang-loob na pagsunod ng malaking bilang ng ating mga mamamayan.