Kung puno na ang salop, kalusin na

Bigas ang pangunahing pagkain ng mga Pilipino, kahit pa gaano kamahal ang presyo ay pinagsisikapan ng isang simpleng mamamayan na makabili kahit isang kilo lamang. Sa panahon kung saan nagtataasan na ang presyo ng mga bilihin lalo na ang mga commercial rice ay tanging NFA rice lamang ang makakayang bilhin ng isang mahirap dahil mas mababa ang presyo nito.
NFA rice din ang tugon tuwing nagkakaroon ng kakulangan sa supply ng bigas lalo na sa mga panahon ng kalamidad at tag-bagyo. Bakit ultimo inaasahang NFA rice na dapat hindi nauubos o kaya’y sapat sana ang imbak na supply ay nauubos din? Ang nakapagtataka (kung kataka-taka pa nga) ay hindi malaman ng gobyerno kung saan napunta o napupunta ang mga nawawalang libo-libong kaban ng bigas?
Hindi lang ngayon nangyayari ang pagkawala o pagkaubos (kuno) ng mga NFA rice sa mga bodega, taong 2008 ay naranasan din natin ang kakulangan ng bigas, P18.25 ang isang kilo noon ng NFA rice habang ang commercial rice ay P29 hanggang P60 ang presyuhan, nagkaroon ng pilahan sa bawat panig ng bansa. Nakadepende ang supply ng bigas ng Baguio at Benguet sa “outside sources” at kapag may kakulangan sa supply at distribusyon ay malaking problema sa atin ito, lalo na sa mahihirap na umaasa lamang sa mas murang NFA rice – gaya ng naranasan uli natin ngayon.
Naghintay ang mamamayan ng Baguio at Benguet mula Hunyo at noong isang linggo lamang dumating ang supply ng NFA rice na pumalo sa P27 ang isang kilo kaya agad pinilahan ang mga tindahan ng NFA at madaling maubos na reklamo pa ng marami ay nalilimitahan pa ang nabibili. May mga ulat pang nirere-pack ng ilang mapagsamantalang negosyante ang NFA rice at pinagmumukhang commercial rice para maibenta ng mas mataas na presyo – isang masamang gawaing  matagal nang ginagawa subalit wala pa raw napapatuyan. Sa buong rehiyon ng Cordillera ang Baguio at Benguet ang pinakamalakas kumonsumo ng bigas.
Paulit-ulit na ang ganitong serye ng istorya ng gobyerno noon at ngayon, na tuwing may nararamdamang kakulangan sa bigas ay laging “may sapat na supply” ang kanilang tugon subalit sa katotohanan ay wala naman pala at humahantong tayo sa pag-angkat mula sa ibang bansa ng tone-toneladang kilo ng bigas na bilyong piso ang halaga. Kaduda-duda tuloy ang ganitong sitwasyon dahil tila may sabwatan kung saan.
Minsan din ay maaaring sisihin ang tila sadyang pag-antala ng distribusyon dahil sa burukrasya, at walang “unified rice supply at distribution strategy” lalo na sa Cordillera. Sa buong Cordillera ay tanging Kalinga lamang ang may kakayahang makapag-ani ng sapat at sobra at hindi naapektuhan kung may krisis sa bigas. Dahil sa niyakap na nila ang hybrid-rice technology at ngayo’y supplier na ng hybrid rice seeds ay may average na ani ng palay kada pagtatanim (may dalawang cropping ang Kalinga) na 90 metric tons kada ektarya kung saan may 17,000 taniman ng palay ang probinsiya. Nasa 2.5 milyon sako ng bigas kada taon ang produksiyon ng Kalinga habang nasa 206,605 na kaban lamang ang konsumo ng populasyon nito.
Dating agrikulturang bansa ang Pilipinas at napakalawak ang lupaing puwedeng taniman. Bakit nagkukulang pa tayo sa bigas? Hindi ba ito nakikita ng mga gobyerno noon at ngayon? Kung kaya sa Kalinga ang magtanim at umani ng sobra-sobra, wala sigurong rason kung bakit hindi kaya sa buong bansa? Dahil ba sa mas madali at malaking kumita sa pag-angkat ng bigas kaysa magtanim ang mga ganid na opisyal at negosyante? Aba mga magkakutsabang opisyal at negosyante, kung puno na ang salop eh baka puwede ng kalusin! Extra Rice Eater

Amianan Balita Ngayon