Kung totoo, ano na?

Daplis Walang Mintis Opinion

Kung totoong hindi na talaga matutuloy ang Barangay at SK election sa darating na Oktubre, ano kaya ang mangyayari? Samot-sari ang pananaw ng ating  mga kababayan dito. May nababahala dahil kung tatagal pa sa puwesto ang mga salot, este, mga batik sa lipunan na barangay officials, ano na ang mangyayari sa ating bayan. Kung totoo ang sinasabi ng pamahalaan na maraming barangay officials ang sangkot sa droga at mabibigyan pa sila ng ekstensiyong manunungkulan, ano na kaya ang mangyayari? Di kaya lalong lalala ang problema sa droga sa mga barangay? Sabi kasi noon ni Pres. Digong na wala munang eleksiyon upang di makatakbo ang mga barangay official na sangkot sa droga o kaya ay tinutustusan ng mga drug syndicate, ano na ang mangyayari sa mga taong ire? Sino ang papalit sa kanila? A-apointahan ba sila o ano? Wala kayang malalabag na batas dito? Saan naman kaya galing ang mga ito? Natural sasabihin ng mga tao na ang mga yan ay mga bata ng administrasyon. Di kaya magkakaroon ng samot-saring negatibong reaksiyon ?

********

Kung totoong paubos na ang lakas ng mga teroristang Maute-ISIS sa Marawi, bakit matindi pa rin ang bakbakan doon? Sabi ng militar buhay pa sina Ispilon at Maute brothers kaya mas matindi na ang bakbakan sa susunod na mga araw. Kung totoo ito, bakit di pa upakan nang upakan upang mapulbos na sila. Ang tanong, sakaling mapulbos na sila sa Marawi, wala na kaya silang mga galamay sa labas ng islang ito? Baka naman nakapuwesto na sila sa ibang probinsiya at naghihintay ng tamang panahon upang uupak muli ng panibagong giyera? At kung mangyayari ito, di kaya katawa-tawa ang gobyerno dahil banta sila ng banta ng pagpulbos, pero lumipat lang pala sila at nagparami pa? Kung totoong kakaunti na sila, kailan sila talaga mapupulbos? Baka naman hindi pulbos ang kailangan kundi pulbora, di ba? May alok na nga ang US na tutulong sa air-strike, ayaw naman ng AFP at gobyerno. E, ano bang gusto  natin? Maubos ang mga sundalo at pulis natin? A, ewan.

********

Kung totoo ang sinasabi ng Australia na tutulong sila sa rehab ng Marawi, maganda. Ayos yan, pards. Ganun din ang say ng Japan at US. Lalong ayos. Pero teka, baka naman biglang mag-aalok din ang North Korea. Susmaryusep! Gulo ito! Pero malayong mag-alok ang North Korea kasi sila’y komyunista. Maryusep na naman, pards. Di ba, kapit tuko ang bansa natin sa China at Russia? Di ba mga kumyunista rin ang mga ire? Maryunes, saan tayo susuling? Ang matindi, medyo naggigirian na ang North Korea at Estados Unidos. May banta na sila ng bombahan. Mariakusina a narsuod. Ipit tayo, di ba? Kaya siguro, dapat magpakahinahon muna tayo. Huwag tayong manulsol dahil baka ang susunod dito, World War 3, di ba? Huwag naman sana pards, marami pang binatang di pa naka-tikim… kay Ligaya, he he.

********

Kung totoong makapal ang kartada ni BOC Commissioner Faeldon kay Pres. Duterte…, ano kaya ang kahihinatnan ng mga sabay-sabay na pagdinig ng senado at lower house sa mga katiwalian sa kustom dahil sa lumusot na toneladang droga na may halagang P6.5Billion?  Bakit, asan ba si komisyoner? Nasa ospital daw, nagpapagaling (habang sinusulat ang espasyong ire).  Naghamon na raw si Faeldon na siya’y sibakin, pero hindi nangyari.  Grabe ang kapit, sabi nila. Di pa tapos ang mga hearing sa kongreso (lower at senate).  At kung sakaling totoo ang sinasabing di na puwedeng gamiting ebidensiya ang sandamukal na droga galing sa China dahil kuntaminado na raw, sus maryunes, ano na ang mangyayari? Pati ba mga sangkot sa illegal na gawain o mga nagpalusot ay tunaw na rin ang asunto? Sinalbag! Aba’y apo sir Digong, kumilos po kayo bago mahuli ang lahat. Adios mi amor, ciao, mabalos!