Kuya, 2 batang kapatid, patay sa kuryente

CALASIAO, PANGASINAN – Tatlong magkakapatid ang nakuryente hanggang mamatay sa isang latian malapit sa kanilang bahay sa Sitio Baybay, Barangay Nagsaing ng bayang ito noong Oktubre 24.
Nakilala ang mga ito bilang magkakapatid na Reyes na sina Lenard Christian, 16; babaeng kapatid na si Francine Leyre, 12; at Reginald Jr., 1anyos. Ang kanilang mga magulang ay wala sa kanilang bahay nang naganap ang insidente.
Ang magkakapatid ay natagpuan ng mga kapitbahay na lumulutang sa naturang latian sa likod ng kanilang bahay at isinugod sa Pangasinan Provincial Hospital sa San Carlos City ngunit idineklara ang mga ito na dead on arrival.
Isang makeshift electro-fishing gadget na nakasaksak pa sa electric outlet ang nakita sa pinangyarihan ng insidente.
Ayon kay Chief Inspector Christopher Valerio, deputy chief of police ng Calasiao, ang tubig mula sa latian, na sagana sa isda, ay kadalasang umaapaw pagkatapos ng malakas na ulan at umaabot ang tubig sa kubo ng mga biktima.
Palagay ni Valerio na ang panganay na si Lenard Christian ay nanghuhuli ng isda gamit ang de-kuryenteng pangisda na nakasaksak sa outlet sa pamamagitan ng isang extension wire.
Maaaring nalimutan ng biktima na nakasaksak sa kuryente ang hawak na pangisda at lumusong ito sa tubig.
Posible rin umano na nakita ni Francine, habang buhat ang isang taong gulang na kapatid, na nakukuryente ang kanyang kuya kaya sinubukan nitong hilain ang kuya mula sa latian.
Ani Valerio, iniimbestigahan pa rin ng pulis ang insidente. PNA / ABN

Amianan Balita Ngayon