LA UNION INIULAT ANG PAGLAGO NG EKONOMIYA, PAGSISIKAP SA NAPAPANATILING PAG-UNLAD

LUNGSOD NG SAN FERNANDO, La Union

Iniulat ng Provincial Government of La Union ang matatag na paglago ng ekonomiya, na binibigyang diin ang pokus nito sa napapanatiling pag-unlad sa ‘PUSO Talks: Estado ng La Union PROBINYSAnihan Para sa Mamamayan’ na aktibidad sa La Union Convention Center sa San Fernando City noong Setyembre 9. Ibinahagi sa nasabing aktibidad ang isang plataporma upang ma-update ang publiko sa kasalukuyang estado ng probinsiya, na itinampok ang mga nagawa ng pamahalaang panlalawigan at kanilang mga plano para sa patuloy na pag unlad.

Inihayag ng ulat na ang ekonomiya ng La Union ay kumite ng PhP462.2 milyon mula sa turismo sa unang kalahati ng 2024, na may 237,868 turista ang bumisita sa nasabing panahon. Ang tourist arrival ay direktang nagpataas sa benta ng mga lokla na produkto sa ilalim ng Pasalubong Center ng probinsiya, na nakagawa ng PhP18 milyon benta mula 2023 hanggang Hulyo 2024 at isang average increase ng 78 porsiyento sa unang kalahati ng 2024.

Ang naisalokal ng Kadiwa ng Pangulo program ay nakagawa rin ng PhP2.6 milyon na kita para sa mga produkto ng mga magsasaka at nagnenegosyo sa agrikultura, na iniangat ang produksiyon ng mga produktong ito bilang resulta. Humigit-kumulang 60,000 tilapia fingerlings ang ipinamahagi sa mga fish pond, mga kulungan, mga hawla, at mga tubig sa pamayanan sa buong La Union, na sumusuporta kapwa sa food security at self-sufficiency.

May kabuuang PhP116 milyon ang ipinuhunan sa pagtatayo ng mga tulay, interior roads, at farm-to-market roads upang madagdagan ang pagkakakonekta sa agrikultura, na may karagdagang PhP18 milyong nailaan para matapos ang Farmers’ Mutli-Purpose Centers, na nasa iba’t-ibang yugto ng pagkatapos. Ang ibang proyekto sa imprastruktura na nakakaambag sa pagkakakonekta sa probinsiya ay kasama ang dalawang maliit na water impounding projects na may halagang PhP7 milyon at isang PhP1.5 milyong processing facility.

Sinabi ni La Union Governor Raphaelle Veronica ‘Rafy’ Ortega-David na ang mga pagsisikap sa ekonomiya ng pamahalaang panlalawigan ay nakatutok sa local-level progress at pagpapataas sa pakikibahagi ng publiko sa pamamahala. “Inuuna naming ang pagiging bukas, accountability, at partisipasyon. Lahat ay may papel sa pamamahala,” ani Ortega-David. Binanggit din ng gobernadora ang mga plano upang mapanatili ang paglago sa pagsasama sa puna mula sa iba’t-ibang stakeholder upang mapahusay ang mga programa at serbsiyo ng probinsiya.

Sinabi ni Pedro Lucarin, isang magsasaka ng mais mula sa probinsiya at kalahok sa nasabing aktibidad na ang suporta ng pamahalaang panlalawigan, gaya ng pagbibigay ng mga abono, ay nakatulong mapahusay ang kanilang ani at mapalakas ang kanilang kita. “Nagpapasalamat kami sa tulong na naibigay sa amin sa pagsasaka ng mais. Sana ay maipagpatuloy ang pagtulong sa amin,” ani Lucarin. Ikapito ang La Union sa kamakailang isinagawang Cities and Municipalities Competitiveness Index (CMCI), ang tanging probinsya sa Ilocos Region na makarating sa top 10.

(CCMT, PIA LU/PMCJr.-ABN)

Amianan Balita Ngayon