Labor Day rallies, kailan kaya titigil?

Tapos na naman ang isa pang mukha ng Labor Day o Araw Ng Paggawa kamakailan. At siyempre, gaya ng nakagawian o nagging tradisyon na yata (base sa mga record) ng ating mga kababayan, naganap na naman ang sala-salabat na mga protesta o rally sa buong kapuluan.

Buti nga hindi pa nagrarally ang mga hayup, eh, biro nila. Ang malaking tanong ay ito: Kailan kaya titigil ang mga rally o protesta sa tuwing Labor day o Araw Ng Paggawa? At bakit may mga protesta? Sige, hihimayin natin mga pards.

******
Sa ating tala sa nakalipas ng maraming taon sa pamamahala ng ibat-ibang administrasyon, halos parepareho ang hinaing na idinaan sa mga protesta sa mismong araw ng Labor Day.

Estado ng kabuhayan ang sentro ng hiyaw sa lansangan. Umento sa sahod at pag-angat ng estado ng buhay ng bawat Pilipino lalo na sa mga mahihirap.

Kasabay nito ang mga pahapyaw kontra sa mga opisyal ng gobyerno sampu ng mga diumano ay mga ahensiyang may pagkukulang sa kanilang serbisyo.

Dito rin itinataon ang mga puna sa administrasyon pati na sa mga namumuno. Nakokondena ang mga mali pero ang mga magagandang nagawa ay hindi naman isinasama.

Ang masakit, pati mga paslit na wala pang kamuwangan sa kanilang ipinaglalaban ay isinasama sa mga protesta.

Ang mas masaklap, kung magkakasugatan o magkakamatayan pa ang protesta dahil sa iringan ng mga nagprorprotesta at mga awtoridad at opisyal ng gobyerno.

Kaya sa tuwing Labor day, todo sarado at guwardiyado ang lahat ng mga lagusan na maaring magamit kontra gobyerno. Pero pagkatapos ng Labor Day, tahimik na ulit na parang walang
nangyaring kaguluhan.

Tahimik ulit pati na ang mga laman ng mga protesta ay para bang limot na rin. Saka lang magigising sa susunod na Labor Day celebration.

******

Tanong: bakit daw kasi idinadaan sa street parliaments o rallies upang iparating ang karaingan o hiling sa gobyerno? Dahil ba sa hindi sila napapakinggan? Dahil ba hindi sila kuntento sa mga serbisyo ng gobyerno kontra sa mga pangakong dapat gawin?

Dahil ba may nakitang mga pagmamalabis na wala namang ginagawang kaparusahan o pagtutuwid? O dahil ba sa may mga nag-uudyok na gawin nila ito upang puwersahing pakilusin ang gobyerno? O kaya naman ay ipahiya ang pamahalaan o mga opisyal ng gobyerno? O baka naman sumama sila sa kilos-protesta kahit di nila alam kung ano nga ba ang ipinaglalaban?
******

Sabi nila hindi masama na ihayag ang damdamin. Karapatan ng bawat nilalang ito. Walang batas na nagbabawal. Pero dapat ay ilagay sa lugar ang pagkilos.

Hindi dapat magkaroon ng iringan, sakitan at perwisyo. Ang masakit, may mga mukha pa ng mga opisyal ang sinusunog at dinuduro ng mga raliyista at di naman makakilos ang mga awtoridad dahil sa maximum tolerance.

Ang siste nga, eh kapag may nasaktang raliyista, pasok agad daw ang CHR o Human Rights group samantalang kapag awtoridad ang nasaktan, tahimik naman daw sila.

Tsk tsk, malayo pa ang lunduan upang mabago ang ganitong tema sa tuwing Labor day. Kung pagmamalasakit ang ipinaglalaban sa tuwing may protesta alang-alang sa mga nagtratrabaho, dapat lang na ito ay isagawa nang walang karahasan.

Dapat ding pakinggan kung ano ang panig ng pamahalaan o ahensiyang pinoprotesta at hintaying makagawa ng tamang solusyon sa problema.

Hindi naman dapat na kung anong hiniling ay ibibigay agad. May pag-aaral na dapat ding bigyan ng respeto. Pero sa mga pangyayari sa nakalipas na mga Labor Day celebration, parang mas malakas ang aming kutob at pangamba na malabo ang katahimikan sa masalimuot na estado ng mga sumusunod pang araw ng paggawa sa pananaw ng mga nagproprotesta. Adios mi amor, ciao, mabalos.

Amianan Balita Ngayon