Lahat ay babalik sa una, maging ang pulitika

Kahit pa kasalukuyang naglalagablab ang giyera sa pagitan ng Pilipinas at Amerika ay inumpisahan ng mga Amerikano ang lokal na halalan na nagtanggal sa kapangyarihan, respeto, at buwis mula sa ating Unang Republika.
Sa lahat ng maingay na mga pangunahing balita sa pusod ng Metro Manila ay sa mga lokal na gobyerno pa rin makikita ang tunay na mukha ng ating demokrasya (o kakulangan nito). At ang pangunahing yunit ng lokal na gobyerno ay ang barangay.
Ang barangay ay dating kilala bilang ang barrio na noong panahon ng Kastila ang Teniente del Barrio ay tinatawag din Cabeza de Barangay na kung saan sa mga naunang barrio, ang mga datu o mga lokal na pinuno ay tanggap ng pamumuno ng mga Espanyol.
Ginawa silang permanente ng Espanya, mga tagapagmanang pinuno na ligtas sa taunang peryodo ng pagtratrabaho na ipinapatupad ng koronang Espanya.
Ang iba’t-ibang cabeza de barangay ay maghahalal naman ng gobernadorcillo na ang kapangyarihan ay isang mayor at hukom na may terminong dalawang taon.
Kapag ang isang cabeza de barangay ay namatay na walang tagapagmana, o isang barrio ang nalikha, ang gobernadorcillo ay makapangyarihan sa pagrekomenda sa pagtatalaga ng bagong cabeza de barangay.
Nang dumating ang mga Amerikano, ang lahat ay ginawa sa paraan ng halalan. Dahil sa ang gobernadorcillo ay nahalal sa panahon ng Espanya ay alam na ng lahat ang gagawin, at ito ay ang mangampanya na dati na nilang ginagawa na may mga banda, pagkain, mga pangako, at kung kinakailangan ay gagamitin ang pulisya.
Ang cabeza de barangay ay naging barrio captain na naging pundasyon ng mga pampulitikang makinarya mula sa pagpapalit ng ika-20 siglo hanggang 1972.
Subalit tila salungat sa kasalukuyang pangyayari kung saan dapat ay hindi-pulitikal ang barangay sa likod ng katotohanang ang lahat ng iba pang mga lider ay dumedepende sa mga opisyal ng barangay.
Nagpapakita lamang ito ng karaniwang nakagawian ng mga Pilipino sa kaipokrituhan.
Lahat ng mga politiko ay sinasabing ang barangay ay demokratiko at hindi pulitikal ngunit lahat sila ay nagsasabwatan na panatilihin ang barangay na pulitikal at walang-demokrasya dahil opisyal man at hindi opisyal, ang barangay ay ang unang moldehan ng kapangyarihang pulitikal.
Sa mga nakaraang mga halalan at sa darating na mid-term elections ay mahigpit ang utos ng Commission on Elections at Department of Interior and Local Government na bawal mangampanya (partisan political activities) ang mga opisyal ng barangay.
Ang kautusan ay naka-angkla sa Section 389 ng R.A.7160 (Duties and Functions of Barangay Officials) o mas kilalang Local Government Code.
Ipinapaalala sa kanila ang kanilang papel para isulong ang pangkalahatang kapakanan ng barangay at ipatupad ang lahat ng mga batas at regulasyon.
Ang hindi sumunod sa kautusan ay maaaring patawan ng suspensiyon at ang malala ay pagkatanggal sa serbisyo. Kahit pa paulit-ulit na ipaalala sa mga opisyal ng barangay na huwag silang papailalim sa kanilang mga gobernador, mga congressman, o mga mayor lalo na sa pagpapatupad ng mga batas ay sumisingaw ang katotohanang sinumang kandidato mula mayor pataas ay kailangan nila ang barangay upang mabuo ang pundasyon ng kanilang pulitikal na makinarya.
Sa prosesong ito ay hindi lingid na may mga opisyal ng barangay na nagkakaroon ng mas malapit na relasyong pulitikal sa kanilang mayor, gobernador at congressman (at sinumang kandidato) dahil sa”utang na loob”.
Dahil ang lahat ng paggalaw sa pulitika maganda man o hindi ay unang nararamdaman at nakikita sa mga barangay dahil tunay na ito ang basikong yunit ng lipunan at pulitika.
Ang pagbabawal sa mga opisyal ng barangay na sumali sa “partisan campaigning” ay mabuti para mapanatili ang kapayapaan at kaayusan sa mga barangay na bumubuo sa isang munisipalidad, sa isang lungsod, sa isang lalawigan at sa kabuuang bansa.
Subalit kailangang maging mas malinaw at direkta ang probisyon sa batas (Omnibus Election Code) partikular ang Section 38 kung saan nakasaad na “Sec. 38. Conduct of elections. – The barangay election shall be non-partisan and shall be conducted in an expeditious and inexpensive manner”.
Sa pagkakaintindi ay ang prosesong “halalan” ang dapat na non-partisan at hindi ang mga opisyal ng barangay ang tinutukoy kaya bilang mga halal na mga opisyal ay may karapatan silang mangampanya tulad ng iba pang halal na opisyal.
Tama nga ang sabi nila na ang mga presidente, mga kongreso at kahit pa mga konstitusyon ay dumarating at nawawala, subalit ang mga datu, teniente del barrio, kapitan del barrio o cabeza de barangay ay nananatiling pareho pa rin kahit pa Chairman na ang tawag natin ngayon.
Kaya lahat ng pulitika ay lokal at lahat, kahit pulitika ay babalik pa rin sa una – sa barangay.

Amianan Balita Ngayon