Lalaki, arestado sa pananaksak

Dinakip ang isang lalaki matapos manaksak sa harap ng Wirnies Bar, Dagohoy Street, Baguio City dakong 8:20 ng gabi noong ika-23 ng Hunyo.
Kinilala ang biktima na si Romie Embong Tipal, 24 anyos, single, manggagawa at taga-Latbang, Kayapa, Nueva Vizcaya. Habang ang suspek ay si Richard Enriquez De Guzman, 24 anyos, single, manggagawa, tubong Pugo, Alaminos, Pangasinan at kasalukuyang nakatira sa Bayan Park, Aurora Hill, Baguio City.
Ayon sa imbestigasyon ng pulis, ang biktima at ang kanyang kasamahan na sina Junie Pogowen, Dante Embong Tipal, Milyne Pogowen at Rechelle Paterno ay nag-iinuman sa loob ng Wirnies Bar nang biglang dumating ang kapatid ni Rechelle na si Jhade Hidalgo kasama ang kanyang kasintahan na si Richard De Guzman.
Ang suspek ay pagalit na nagsabi kay Rechelle na “Apay nga baybay-an yo ni Jhade” at lumingon ito sa biktima na masama ang tiningin nito at sinabing babalikan ito. Sinabihan ni Rechelle ang biktima na lumabas muna ang mga ito upang pag-usapan kung ano ang hindi nila pagkakaintindihan ng suspek.
Biglang sinugod ng suspek ang biktima at pinagsusuntok hanggang nauwi sa away. Inilabas ni De Guzman ang kanyang kutsilyo at pinagsasaksak si Tipal nang tatlong beses sa katawan.
Dinala agad ang biktima sa Baguio General Hospital Medical Center (BGHMC) dahil sa natamo nitong sugat sa katawan at nangangailangan ng treatment at surgical operations.
Inaresto ang mga pulis ang suspek at patuloy ang imbestigasyon ukol sa insidente. AUBREY BALINDAN, UC Intern

Amianan Balita Ngayon