Lalaki patay, pulis sugatan sa riding-in-tandem sa Ifugao

Nakatakas ang riding-in-tandem matapos mapatay ang isang karpentero at masugatan ang isang pulis bandang 7:30pm ng Nobyembre 21 sa Kiangan, Ifugao.
Sa ulat ng Kiangan police ay nakatanggap ang himpilan ng tawag mula kay Barangay Kagawad Rey Buhong ng Hucab, Kiangan, Ifugao tungkol sa insidente ng pamamaril na naganap sa Water World Restaurant, Hucab, Kiangan, Ifugao.
Kinilala ang biktimang si Christian Fruto Bonifacio, 25 anyos, karpentero at residente ng Sitio Balunglung, Hucab, Kiangan, Ifugao. Nagtamo ang nasabing biktima ng tatlong gunshot wounds, dalawa sa kaniyang kaliwang dibdib at isa sa kaniyang kanang braso at idineklarang dead on arrival ng kaniyang attending physician na si Dr. Jessica Buduhan ng Panodpodan District Hospital.
Ang tatlong hindi pa nakikilalang mga suspek ay tumakas lulan ng motorsiklo patungong Ibulao, Baguinge, Kiangan.
Inutusan ni PCI Edgar L. Tapo, chief of police, ang kaniyang grupo na pinangunahan ni PI Cosme Flores upang magsagawa ng checkpoint sa Sitio Ibulao, Banguinge, Kiangan, Ifugao kung saan nagsasagawa rin ng OPLAN Bakal/Sita.
Habang nagsasagawa ng checkpoint, ang tatlong lalaking sakay ng motorsiklo ay agad nagpaputok sa mga pulis kaya ang isang shrapnel ay tumama sa kanang paa ni Flores. Nagpalitan ng putok ang mga tauhan ng Kiangan MPS habang hinahabol ang tatlong suspek at narekober ang motorsiklo, halos 500 metro mula sa pinangyarihan. Nakatakas pa rin ang mga suspek.
Dinala naman si Flores sa Ifugao Provincial Hospital at inilipat sa Panodpodan District Hospital para malunasan. Pinauwi rin si Flores ng kaniyang attending Physician na si Dr. Johan Baguilat matapos magamot.
Iprinoseso ng mga tauhan ng SOCO ang lugar ng pinangyarihan. Anim na empty shells ng 9mm; isang cartridge ng 9mm at tatlong empty shells ng M16 ang narekober sa Ibulao checkpoint, habang narekober nila ang apat na empty shells ng 9mm sa national road, at isang empty shell ng 9mm at isang fired bullet ng hindi pa nakikilalang calibre ang narekober sa loob ng Water World Restaurant.
Patuloy pa rin ang hot pursuit operation para sa posibleng pagkakaaresto ng mga suspek.

Police Patrol

AMIANAN POLICE PATROL

Amianan Balita Ngayon